Nakahahawa ang teleserye ni Sylvia Sanchez na “The Greatest Love”. Halos tuwing hapon, parang adik na sa droga ang mga maybahay, kasambahay, at mga naiiwan sa bahay sa panghapong drama serye ni Ibyang (tawag namin sa aktres) kasama ang mga anak niya sa serye na ginagampanan nina Dimples Romana, Matt Evans, Aaron Villafor, at Andi Eigenmann na humaharap sa mga pang-araw-araw na mga problema nila sa buhay.
Bilang isang mapagmahal na ina na halos ayaw padapuan sa lamok ang mga anak, si Gloria (ang role ng aktres), naghirap at nagsumikap para buhayin ang mga anak na dati’y mga mapagmahal. Pero sa takbo ng serye, tila isa-isa sa kanila ay nagbibigay ng problema sa ina na magiging sanhi ng mas malaking problema na susuungin ni Gloria.
Sa serye, hindi lang isang survivor si Gloria na binuhay at pinalaki ang mga anak sa negosyong pangangalakal.
Sa recent taping ni Sylvia sa may bandang Banawe sa Quezon City, natuwa siya sa tatlong street children na nagmimiron sa kanya sa set. Sa katunayan, may nai-post pa ngang photo si Ibyang kasama ang tatlong bata.
Tanong namin sa aktres kung ano’ng ginagawa ng tatlo at nagpa-picture sila at ipinost pa ng aktres sa kanyang facebook account?
“Nanonood sila sa akin. Ginagaya nila ang acting ko,” natatawang sabi ng aktres sa amin.
“Sa kuwentuhan ko sa tatlo, ang dami kong natutunan sa kanila. May mga bagay pa pala akong hindi ko alam, na sa kanila ko lang nalaman,” sabi pa ng aktres.
Sa labas ng bahay, marami pa ngang mga bagay na hindi natin alam. Napagtatanto na lang natin kung may magkukuwento sa atin o ‘di kaya’y maranasan natin ang mga ‘yun sa bandang gitna o sa hulihan ng ating buhay.
Mula nang magsimula ang drama seryeng “The Greatest Love”, pakiwari ko’y ang daming nalalaman at natutuhan ang aktres, just like sa short kuwentuhan niya with the three boys, na siya mismo ay hindi niya inaasahan at nalalaman.
Tulad ng mga bagong karanasan ni Sylvia na natutuhan niya, gayon din ang pangkaraniwang reaksyon ng mga regular na nanonood ng “TGL”.
Ngayon, mas napagtanto nila na mahalaga pa rin ang pagmamahal ng pamilya sa kabila ng laksa-laksang problema natin sa araw-araw.
“Sa mga darating na mga episode, mas bibigat ang problema ni Gloria. Huwag kang bibitaw, Roel, at magugulat ka sa magiging takbo ng serye namin,” sabi ni Sylvia sa amin.
Reyted K
By RK VillaCorta