Aminado ang batikang aktres na si Ms. Sylvia Sanchez na sobra siyang na-in love sa role niya sa “The Greatest Love” at itinuturing niyang isang malaking blessing ang bagong TV series na kanyang pinagbibidahan.
“Sobra akong nagandahan sa kuwento ni Gloria, na in-love kaagad ako kay Gloria at nasabi ko sa sarili ko na ako si Gloria,” pahayag ni Ms. Sylvia Sanchez.
Dagdag pa niya, “Kaya sobrang tuwa ko talaga nang malaman ko na ako iyong kinokonsider nilang gaganap sa role.”
Sa seryeng ito’y gagampanan ni Ms. Sylvia ang papel na Gloria, isang ina ng apat na anak na mayroong Alzheimer’s disease. Ipakikita rito ang mga sakripisyong kayang gawin ng isang ina para sa kanyang mga anak.
Bilang preparasyon sa papel niya rito, nagpunta pa siya at nag-obserba mismo sa mga taong may ganitong karamdaman.
“Ako mismo ang nagpupunta roon sa may mga Alzheimer’s, iyong mannerism, iyong mata niya, basta kung ano siya kapag umaatake iyong ganoong klase ng sakit,” saad ng award winning actress.
Masasabi po ba ninyong itong “The Greatest Love” ang biggest break ninyo?
“Yes, ito ang pinakamalaking break sa career ko. Marami akong mga naging projects na magaganda ang role na supporting, pero ito ang unang role na gagampanan ko na nakasentro kay Gloria, na siyang papel ko rito.”
Sa palagay ba niya ay maraming nanay ang makare-relate sa mapapanood dito?
Esplika niya, “Lahat ng nanay, maganda man o hindi ang relasyon nila sa mga anak nila, lahat ay makare-relate sa mapapanood nila rito, lahat ay iiyak.”
Bakit parang bigay na bigay at ganado kayo rito, base sa nakita sa teaser?
Sagot ng aktres, “Dahil nanay ako at gaya ng ibang nanay, may mga pinagdaanan din, may mga hindi pagkakaintindihan din sa nga anak at normal iyan.”
Ang “The Greatest Love” ay magsisimula nang mapanood sa July 18 sa Kapamilya Network. Ito’y mula sa direksiyon nina Dado C. Lumibao at Mervyn Brondial.
Nonie’s Niche
by Nonie V. Nicasio