NOON PA man, isa na ako sa humahanga kay Sylvia Sanchez kung galing lamang sa pag-arte ang pag-uusapan. Sa aking opinyon, nahahanay siya sa liga nina Gina Alajar, Cherrie Pie Picache at Jaclyn Jose. Kahit anong role ang ibigay mo ay nabibigyan niya ng hustisya ang karakter na kanyang ginagampanan.
Kaya nga hindi kami nagtataka kung bakit halos hindi siya nawawalan ng proyekto maging ito man ay mapatelebisyon at pelikula, dahil nga sa husay ni Sylvia bilang aktres. Mararamdaman mo ang intensity na kahit hindi siya magsalita ay dama mo kung ano ang kanyang gustong ipahiwatig basta masdan mo lang ang kanyang mukha partikular na ang kanyang mga mata kung ito man ay may kalungkutan, masaya o nagagalit.
Ang kaso nga, ang mga nabanggit kong mga pangalan ay underrated kumpara sa mga ibang sikat na artista riyan na kung isasabay mo rito kina Sylvia ay tiyak na lalamunin nang buong-buo sa eksena. Star system kasi ang umiiral dito sa atin na kahit hamonado o walang kalatuy-latoy umarte ay ginagawang bida.
Lalo kaming pinahanga ng aktres na ito sa The Trial na grabe ang ipinakitang husay sa pagganap bilang lesbianang ina ni John Lloyd Cruz. Kaya hindi kami magtataka kung manalo ito sa mga award-giving bodies. Huwag lang masalamangka o ma-magic ang resulta na karaniwang nangyayari kapag may mga taong gumagapang para lang manalo ang kanilang manok kesehodang hindi ito deserving na manalo.
Basta kami, walang pakialaman kung tawagin man kaming fan ni Sylvia, dahil sa puso namin ay isa na siya sa pinakamahusay na aktres sa ating panahon. Amen!
Ni Raymund Vargas