Unang sultada ng serye ng tunay na buhay ng Kapamilya Network na “The Greatest Love” kanina pagkatapos ng Doble Kara, hindi kami nag-schedule ng lakad. Maaga naming tinapos ang mga deadline namin sa araw na ito.
Hindi kami nag-siesta tulad ng nakasanayan namin tuwing hapon for reason na gusto naming mapanood ang kauna-unahang pagbibida ng kaibigang Sylvia Sanchez sa serye sa telebisyon.
Siya si Gloria Alegre, ang ina nina Dimples Romana, Matt Evans, Aaron Villaflor, at Andi Eigenmann, at lola naman ni Joshua Garcia sa bagong teleserye.
Maganda kasi ang trailer. Agaw atensyon ang maikling teaser (trailer) na napanonood namin noon bago nagsimula ang serye kanina.
Tama lang na hindi kami nag-schedule ng lakad. Tama rin na hindi kami nag-siesta at hinintay muna ang pagpapalabas ng pilot episode ng bagong teleserye ni Ibyang (tawag namin sa aktres).
Nasiyahan kami. Nagustuhan namin ang panimula ng “The Greatest Love”. Maging ang mga kaibigan naming mga non-showbiz na nakapanood, nag-text sa amin at ipinararating ang pagbati kay Ibyang at sa buong casts ng serye.
Pero sa ganang akin, ang tipo ng “The Greatest Love”, dapat pang-primetime ito at hindi lang pang-hapong serye. Sa ganda ng panimula ng kuwento, naagaw na kaagad ng mga artista ng serye ang atensiyon ng manonood.
Sa hapon, iilan lang ang makapanonood sa serye. Ang mga kasambahay na naiiwanan sa bahay at mga misis na mga taumbahay. Sayang kung hindi maitawid ang mensahe ng serye sa mas malawak na viewership kung hindi ito ilalagay sa pang-gabing time slot.
Sa tipo at kalibre ng “The Greatest Love”, hindi bagay na napanonood lang ito sa hapon na limitado ang nakapanonood. The show deserves a better time slot.
Congratulations kay Ibyang and the rest of the casts! Mabuhay kayo!
Reyted K
By RK VillaCorta