SINUPORTAHAN NG MGA kapamilya niya si Richard Gutierrez nang finally ay magdesisyun na itong magsampa ng kaso laban sa PEP.
Hindi rin nag-moment si Tita Annabelle dahil aniya, si Richard naman ang nagsampa ng kaso at iba pa ‘yung sa kanya.
Sa 25 milyong danyos na hinihingi ng aktor, sinabi rin nitong nagawa niya for the first time ang maghabla dahil sa iniingatan niyang reputasyon at pangalan na matagal niya ng itinatag at ng kanyang pamilya.
May nakakatuwa lang na anekdota habang nagaganap ang lahat. Ang kakambal ni Richard na si Raymond ay naging sentro rin ng atensiyon sa ilang mga katabi nito nang bigla na lang bumigay ang patungang braso-kamay nang umupo ito.
Either nagpipigil daw ng emosyon niya ang magaling na TV host o sadya lang daw talagang may kalusugan na ito ngayon.
KAHIT ANONG TANGGI pa ang gawin ni Yasmin Kurdi, hindi na nito maitatago pa ang karelasyong flight attendant na nagtatrabaho sa isang international flight carrier.
Dati pa itong natsitsismis kahit na noong kasagsagan ng love team-up nila ni JC de Vera, pero panay denial lang ang nakukuha sa young actress.
But recently nga lalo na nitong Holy Week, lantaran nang nakikita ang dalawa at in fairness, panay magagandang paglalarawan ang sinasabi ng marami tungkol sa hitsura ng nasabing Pinoy flight attendant.
“Guwapo siya, pang-showbiz at mukhang mahal na mahal si Yas,” tsika ng mga nagbalita sa amin.
Sayang at wala yatang taga-Parazzi ang naligaw para makunan sila ng souvenir sa isang mall na pinuntahan nila recently.
Magde-deny pa kaya ang alaga ni Manay Lolit Solis?
HINDI NAMAN KAYANG i-deny ng mga nakapanood ng T2 na tinalbugan at maraming pagkakataon sa pelikula na talagang kinabog ni Mica dela Cruz ang Diamond Star na si Maricel Soriano.
Pelikula kasi talaga ng bata ang nasabing horror film ni Direk Chito Roño at kahit given na ang galing ni Maria, nasabayan talaga siya ng husay ni Mica.
Maganda ang gulat effect at ang sigawan factor ng movie. Maayos ang sound at okey naman ang bilis ng phasing ng kuwento.
Hindi man ito (para sa amin) kasing-nakakatakot gaya ng Feung Shui at Sukob, napantayan naman nito ang klase ng mga sigawan at gulatan sa loob ng mga sinehan kaya enjoy na enjoy na rin ang mga manonood. Uy, dapat sigurong mapanood sa mas malalaki at mas challenging na roles si Derek Ramsey. Bukod kasi sa guwapo talaga ang rehistro nito on screen, napaka-natural pa nitong umarte. Kahit boses lang niya ang halos narinig sa movie (maliban sa last part) via his phone conversations with Maricel’s character, ulam na ulam na ang dating nito. Kasama rin sa movie sina Camille Pratts, K Brosas, ang dear friend naming si Tetchie Agbayani at Eric Fructouso.
Patuloy pa ring pinipilahan ang movie na handog ng Star Cinema sa ating lahat.
Showbiz Ambus
by Ambet Nabus