T3

T3

SA JULY 26, Martes, 5:15 pm, ilulunsad sa TV5 ang isang public service program na may pamagat na T3. Ito ay isang daily show na mapapanood Lunes hanggang Biyernes. Ang mga anchors nito ay kabibilangan ng dalawa kong kapatid na sina Ben at Erwin, kasama na rin ang inyong SHOOTING RANGE. Ang tatlong T sa T3 ay sumisimbulo sa Tigas, Tapang at Tapat.

Ang pagsasanib puwersa namin nina Ben at Erwin sa isang public service show ay ngayon pa lamang matutunghayan at masusubukan sa telebisyon.

Bagamat isa lamang ang aming misyon – ang tumulong sa pagbibigay solusyon sa mga problema ng bayan, pero magkakaiba ang aming mga assignment. Magkakaroon kami ng kanya-kanyang teritoryo pagdating sa tatrabahuhing kaso. Ito ay para maiwasan na maging monotonous ang mga segment naming tatlo. Ibig sabihin, hindi nakatuon sa isang uri ng problema ang mga kasong tatalakayin sa bawat episode ng T3. Abangan.

SI PO2 RYAN Pariñas, imbestigador ng San Juan PNP ay isang tuso at sinungaling na pulis. Balasubas din ang walang hiyang pulis patolang ito.

Noong July 14, Huwebes, dumulog sa WANTED SA RADYO (WSR) si Marieta Yoto. Mangiyak-ngiyak si Ma-rieta habang isinusumbong ang hindi makatarungang pagkulong sa presinto sa kanyang mister na si Genesis, isang security guard ng Strike Force Alpha Security Agency.

Ayon kay Marieta, bago makulong ang kanyang mister, nakapagsampa ito ng kaso sa DOLE laban sa kanyang security agency dahil sa mababa at delayed na pasahod – madalas na lang kasi na bale ang natatanggap niya sa tuwing araw ng sahod.

Noong July 13 ng umaga, nang pumunta si Genesis sa Strike Force para kumolekta ng kanyang suweldo, pinag-antay siya hanggang gabi. Kinagabihan, saka pa lang siya pinaakyat sa opisina. Makalipas ang ilang sandali, pinosasan siya ng mga security guard ng kanilang opisina at tumawag ng pulis.

Nang dumating ang mga pulis, inireklamo si Genesis ng kanyang opisina dahil sa pagbabanta raw sa isa sa mga empleyadong babae roon. Pinagbintangan din siyang nagnakaw ng sampung libong piso. Base sa reklamong iyon, ikinulong ng mga pulis si Genesis.

Nang makausap ng WSR si Pariñas, inamin niyang wala silang ebidensiya laban kay Genesis maliban na lang sa salita ng isang kasamahan niyang empleyado.

Inamin din ni Pariñas sa WSR na hindi dapat ikinulong si Genesis at isinampa na lamang ang kaso nito sa pamamagitan ng direct filing sa korte at antayin na lang ang patawag ng piskalya. Sinabi rin ni Pariñas wala raw siyang magawa dahil nagpupumilit daw ang complainant – ang amo ni Genesis.

Sa bandang huli, mismong si Pariñas na ang nangako sa WSR na pakakawalan niya si Genesis at isasampa na lang ang kaso sa pamamagitan ng direct filing. At pumayag siyang sunduin na ng staff ng WSR si Genesis kasama ang misis nito ng araw ding iyon.

Ngunit ilang minuto bago pa man makarating sa pre-sinto ang staff ng WSR, ipinuslit ni Pariñas si Genesis pa-puntang piskalya para sa isang inquest proceeding. Dahil walang pampiyansa ang pobreng si Genesis, magdudusa siya ngayon sa kulungan ng mahabang panahon.

Ang WSR ay mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Para sa inyong sumbong, mag-text sa 0917-7-WANTED.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleTo aquire Filipino citizenship, Daiana Menezes will marry director GB Sampedro
Next articleKumpisal ng isang diabetic

No posts to display