ISANG RE-ELECTIONIST na vice mayor ang kinukulit ngayon ng isang showbiz tabloid reporter para singilin ang utang nito. Itatago natin sa alyas na Joe ang reporter na pinagkakautangan ni Vice.
Ang tanong muna ngayon, paano nagkautang si Vice kay Joe – na isang simpleng tabloid reporter, samantalang marami naman siyang pagkukunan ng budget sa city hall kung kanyang gugustuhin?
Ilang buwan na ang nakararaan, nilapitan ni Vice si Joe para hingan ng tulong. Nangako si Vice na kapag natulungan siya ni Joe, bibigyan niya ito ng pabuyang P50,000. At sa madaling salita, naibigay ni Joe ang tulong na hinihingi ni Vice.
Pero nang balikan ni Joe si Vice para sa ipinangako nitong pabuya, nagdadahilan na si pulitiko na kesyo busy siya sa pangangampanya at kung puwede tumawag-tawag na lang ulit sa mga susunod na araw.
Iyon nga ang eksaktong ginawa ni Joe. Pero sa muli, nagbigay na naman ng kung anu-anong dahilan si Vice para makaiwas sa pagbayad ng utang kay Joe.
Isang araw, nang makausap ni Joe si Vice, ipinaliwanag niya rito na mayroon din siyang mga taong nilapitan para maisakatuparan ang tulong na hinihingi ni pulitiko. At ang mga taong ito ay kailangan ding bigyan ng pakunsuwelo.
Matapos marinig ang paliwanag ni Joe, sinabi ni Vice na kung puwede ay abonohan muna nito ang mga sinasabing pakunsuwelo.
Sa muli, iyon na naman ang eksaktong ginawa ni Joe. Ngunit, pagkalipas ng ilang araw – nang tawagan ulit ni reporter si pulitiko para maningil sa mga inabono niya, pinapatayan na siya ng cellphone. Ayaw na ring sumagot ni pulitiko sa mga text messages ni kawawang reporter.
Gusto ninyo ng clue kung sino si pulitiko? Sa unang tanong kung bakit siya nagkautang kay Joe samantalang marami naman siyang pagkukunan ng budget sa city hall kung kanyang gugustuhin – hinding-hindi mangyayari na makakakuha siya ng budget sa city hall.
Katunayan, kamakailan, ipinaresto pa nga umano ito ng kanyang dating kasanggang mayor dahil sa pagbuo niya umano ng isang “palarong event” na walang permit.
Bumalimbing kasi siya at iniwan ang re-electionist ding mayor na dating kasangga niya at naki-tandem sa kalaban nito na dating humawak ng isang mataas na puwesto sa gobyerno. Kaya ang kanyang budget sa city hall ay matagal nang iniipit.
Nababagay sa kanya ngayon ang kanyang initials na I.M. – as in Inconsiderate Man dahil hindi niya naiisip ang kalagayan ni Joe. Hindi na siya naawa sa taong tumulong sa kanya. Wala talaga siyang kunsiderasyon, o mas tama sigurong sabihing KUNSENSIYA.
MAS MAKABUBUTI sa puganteng si Cesar Mancao na lagyan niya ng masking tape ang kanyang bibig para ‘di na siya makapagsasatsat ng mga kabulastugan. Sa sobrang pagkadesperado ng taong ito, pati ang Witness Protection Program ng Department of Justice at ng National Bureau of Investigation na siyang kumupkop sa kanya ay binabanatan niya na rin.
Baka nakakalimutan na ni Mancao na kasangga niya ang DOJ at ang NBI sa kanyang laban sa simula’t sapul. Ang Court of Appeals na siyang nagbasura sa kanyang pagiging state witness at ang lower court na nag-utos na ilipat siya sa city jail ang mga dapat niyang sisihin at pagbuntunan ng kanyang galit, at hindi ang DOJ at NBI.
Dahil sa ginawa niyang pagpapadalus-dalos, ngayon, wala nang kakampi ang bungangerong si Mancao. Kung dati-rati ang kaaway lamang niya ay ang kampo ni Sen. Ping Lacson, ngayon, pati ang kampo ni Sec. Leila De Lima ng DOJ ay kaaway niya na rin.
Shooting Range
Raffy Tulfo