SA TALUMPATI ni Pangulong Noynoy Aquino para sa mga biktima ng bagyong Yolanda nito lamang nakaraang paggunita sa unang taon ng anibersaryo nito, mababakas ang kalungkutan at hindi pagkakontento ng Pangulo sa ginawang rehabilitasyon sa mga lugar sa Kabisayaan. Halatang may pakiramdam siyang pagkakonsiyensya sa patuloy na pagdurusa ng mga tao roon kahit pa sinabi niyang panatag ang kanyang loob at konsiyensya.
Ang mga katagang “murahin n’yo ako at libakin kung gusto n’yo” na binanggit ng Pangulo sa kanyang talumpati ay simbulo lamang na sa isip at pakiramdam niya ay alam ni PNoy ang malaking pagkukulang ng kanyang administrasyon sa pagtulong sa mga taong lubhang naapektuhan ng bagyong Yolanda. Ganito talaga ang reaksyon ng mga taong hindi makatanggi sa katotohanan dahil nakikita ng lahat ang ebidensya. Hindi lamang ang mga kababayan natin ang saksi sa kabagalan ng pagtulong, kundi maging ang mga taga ibang bansa man. Ang tanong ng lahat ay anong ginawa sa pondo at nasaan ang tulong?
Sa artikulong ito ay pag-uusapan natin kung bakit napakabagal ng rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda kahit isang taon na ang lumipas. Ano ang mga salik ng mabagal na rehabilitasyon at pagbangon ng mga tao roon?
ANG UNANG salik sa mabagal na rehabilitasyon ay ang disposisyon ng gobyerno. Kung maaalala ninyo ay halos walang paggalaw ang ating ekonomiya sa unang dalawang taon ni PNoy bilang pangulo. Ayon sa mga eksperto sa ekonomiya ay halos hindi gumastos o ayaw maglabas ng pera ng gobyerno dahil baka takot ito na mapuna ng pagwawaldas gaya ng mga kritisismo sa dating administrasyong sinundan nito. Kaya naman ipinalabas ang DAP upang matugunan ang pagiging mabagal ng paglago ng ekonomiya ayon na rin sa pamahalaan.
Ang ganitong disposisyon ng pamahalaan ang naging karakter nito sa paglalabas ng pondo para sa rehabilitasyon kaya naman inabot na ng isang taon ay halos walang rehabilitasyon na nangyari. Marami pa ring walang bahay, sirang kalsada at walang maibigay na trabaho para sa mga tao. Wari ko’y masyadong naging maingat ang pamahalaan na mapuna at takot sa kritisismo na baka napunta sa bulsa ang mga pondong nalikom para sa rehabilitasyon.
Hindi naman mali ang maging maingat sa pondo pero kung sobrang paghihigpit sa paglabas ng pondo ay nakasasama rin ito. Gaya na lamang ng mga nabulok na pagkain tulad ng mga bigas at de lata sa warehouse kung saan inimbak ang mga goods na galing pa sa iba’t ibang lugar at bansa. Nasayang lamang ang mga ito imbes na mapakinabangan. Ang tila paglalabas ng 100 bilang ng delata para maipamigay sa mga biktima ay kailangan pang dumaan sa 100 pirma at pagsisiyasat. Makatotohanan dito ang kasabihang “aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo” o sa aking sariling bersyon na aanhin pa ng kabayo ang damo kung bulok na ito. Aanhin pa nga ba ng mga biktima ang mga de lata, kung ang lahat ng ito’y sira na?
ANG PANGALAWANG salik ay ang tila komplikadong pamamalakad sa rehabilitasyon. Napakarami kasing ahensya ang nangangasiwa sa rehabilitasyong ito. Wala tayong naririnig kay Senator Panfilo “Ping” Lacson dahil tila tali naman ang mga kamay nito mula sa pondo. Parang lumalabas na tagabantay lamang siya ng pondo upang tiyaking walang mangungupit dito. Mas nakababagal pa dahil kailangan din niyang intindihin ang pag-iimbestiga sa mga sumbong ng katiwalian sa pondo ng rehabilitasyon.
Lumalabas na hindi nakasentro ang atensyon ng pamahalaan sa paggamit ng pondo para makagawa ng epektibong rehabilitasyon. Bagkus ay nakatutok ito kung paano pangangalagaan at iingatan ang pondo. Hindi sa pagbili ng pangangailangan ng mamamayan ang tutok kundi sa pagbabantay ng pambili. Muli ay uulitin kong walang masama na bantayan ang pondo, ngunit kung sa sobrang pagbabantay ay hindi na ito magamit sa dapat at plano, nakasasama ito sa mga tao.
Ang ikatlong salik ay ang kakulangan ng gawa sa parte ng mga taong naapektuhan ng trahedya at ng lokal na pamahalaan nito. Ang mga biktima ay kailangan ding makipagtulungan at tulungan ang kanilang sarili. Mahirap ang umasa nang lubos sa tulong mula sa national government. Mas mapabiabilis ang kanilang pagbangon kung sila mismo ay gagawa rin ng paraan para maitayo ang kanilang mga bahay, maayos ang kanilang mga kalsada at magkaroon ng hanap-buhay o pagkakakitaan. Ang bansang Japan ay mabilis na nakabangon sa trahedya ng tsunami kung saan ay libu-libong tao rin ang nasawi at mga maraming kabahayan at mga negosyo ang nasira. Hindi sila umasa sa tulong ng iba. Ang mga tao at pamahalaan nila ay nagtulungan para sila ay makabangon agad.
DALAWA ANG simpleng susi sa mabagal na rehabilitasyon. Una ay gawing simple ang proseso. Nandyan naman si Lacson para bantayan ang pondo, kaya’t maaaring luwagan ang pagpapalabas nito. Itayo na ang mga bahay at huwag nang hintaying mamatay ang mga tao sa Tacloban dahil sa sakit. Ang pangalawang susi ay magsimulang kumilos at gumawa ng paraan ang lokal na pamahalaan ng Tacloban halimbawa, upang maibsan ang paghihirap ng mga tao rito. Hindi na dapat lubusang umasa at maghintay ng tulong mula sa national government.
Gawin natin ang tunay na pagbangon hindi lamang sa salita, ngunit dapat ay lalo sa gawa!
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo