‘PAG TINATANONG nila ako, “Di ba, manager ka ni Tado?” sinasagot ko ng oo, pero may paliwanag ako.
Kasi, iba ang set-up namin ni Tado, eh. Oo, sa akin pa rin kumokontak ang mga interesado sa kanyang serbisyo bilang artista, pero hindi ako kumukuha ng komisyon, kasi, sabi niya, “‘Wag ka na munang kumuha, boss. ‘Pag yumaman na lang ako.”
Sa akin, wala naman ‘yan. Mas importante ‘yung courtesy at respetong ibinibigay ni Tado sa akin, dahil in fairness to him, ipinapaalam naman niya sa akin ‘pag me raket siya.
Kasama si Tado sa may labinlimang namatay sa nahulog na Florida Bus sa bangin sa bandang Mt. Province. Ipinost pa niya sa kanyang instagram account ang sasakyan niyang bus na may caption na “long, long trip!”
May nauna na pa siyang post kung saan nakapikit siya at ang caption niya ay “North o South… Cemetery.”
Kung paniniwalaan, talagang may premonition nga ang kanyang pamamaalam.
At nito ngang huling usap namin last Jan. 30, may inquiry ako ng guesting niya para sa MMK na isu-shoot sana sa Feb. 12,13,14 sa Baguio.
“Tado, okay ba sa ‘yo sa Baguio ang taping?”
“Oo naman, boss. Kahit wala pang uwian.”
At ang role sana ni Tado: Isa siyang konduktor ng bumibiyaheng bus.
GUSTO MO bang personal na makiramay sa pamilya ni Tado?
Dito po sa Paket Funeral Homes sa kanto ng Gomez at Dela Paz Streets, Brgy. San Roque, Marikina ang wake ni Tado. At tulungan n’yo kaming palakasin ang loob ng naulilang mag-iina ni Tado.
Oh My G!
by Ogie Diaz