TAG-ULAN NA naman, siyempre pasukan na. Ganyan naman siguro talaga, kasabay ng pagbuhos ng ulan ay ang pagbuhos din ng mga estudyante sa paaralan. Kapag tag-ulan din, dahil sa malamig ang panahon, masarap magmuni-muni at mag-senti. Ang mga kabataan pa! Magaling yata silang mag-drama. Maraming hugot, maraming feelings.
Kapag ang mga bagets tag-senti, mahilig ‘yang mag-soundtrip ng kanilang mga tagos sa pusong musika na laman ng kanilang playlist. Sinasabayan pa ng pagmumukmok sa kuwarto. Anu-ano nga ba ang mga dahilan ng pagse-senti ng kabataan ngayon?
Sabi nila, ang mga kabataan daw ang pag-asa ng bayan, masyado yatang pinanindigan ito kaya ‘yan tuloy ang tataas ng expectations ng mga taong nakapaligid sa kanila lalo na ang kanilang mga magulang. Sa eskuwela pa lamang, panigurado namang karamihan sa mga magulang ay gusto na sila ang manguna o Top 1 sa klase. Kung minsan, hinaing ng kanilang mga anak ay nape-pressure sila nang husto. Kaya ang resulta? Ayun, isa ‘to sa dahilan ng kanilang pagse-senti.
Ang kabataan ngayon ay natatakot magkamali dahil iniisip nila ang magiging reaksyon agad ng mga taong mataas ang bilib sa kanila. Ang mga bagets din ngayon ay hindi na marunong tumanggap ng pagkatalo dahil nga naman kasi bata pa lang sila, pinaniwala sila ng mga taong malalapit sa kanila na dapat sila ang number one, na dapat sila ang pinakamagaling at huwag magpapatalo kahit kanino man.
Hinaing din ng kabataan ngayon ay ang matinding rejection na natatanggap sa grupo ng taong gusto nilang mapabilang. Isa rin ito sa dahilan ng pagse-senti ng mga bagets. Siyempre, kabataan, gustong mapabilang sa grupo na kanilang hinahangaan o grupo na pakiramdam nilang doon sila magsasaya. Kaya lang, may mga tao at tao rin talaga na hahadlang sa kagustuhan n’yo. Dapat n’yo nang sanayin ang sarili n’yo na hindi sa lahat ng pagkakataon, kayo ay tatanggapin ng lahat.
Hindi na rin siguro maitatanggi na kaya naman talamak ang fraternities at sorrorities ngayon ay dahil maraming mga bagets talaga ang gustong makahanap ng grupo na tatanggap sa kanila. Kaya naman pati matitinding hazing at initiation tests, buong-loob nilang tinatanggap mapasama lang sa grupo.
At siyempre, ang numero uno na dahilan ng pagse-senti ng mga bagets ay ang pagiging sawi sa pag-ibig. Malamang, kapag sawi ka, masaya ka ba? Siyempre hindi. Kung may masaya man, malamang ‘yun siguro si third party. Masakit ang masawi sa pag-ibig lalung-lalo na kung sobrang mahal mo ang tao. Ang kabataan pa naman ngayon, mahihina pagdating sa ganyan, hindi nila nakakayanan ang sakit. ‘Yan ang mga pangunahing dahilan ng pagse-senti ng mga bagets. Dapat sigurong ipaalala sa kanila na bata pa sila. Marami talaga silang pagdadaanan pa at bilang bata pa nga sila, hindi nila dapat maging pasan ang buong mundo. Dapat kayanin nilang harapin ang matitinding pagsubok at sikapin na makabangon.
Dahil ang mga pagsubok na ito ay siyang magtuturo sa inyo upang maging malakas. Wala namang problema magsenti-senti paminsan-minsan, pero dapat sa iyong paggising kinabukasan, isa nang bagong umaga na puno ng pag-asa ang iyong haharapin.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo