TAGAYTAY ANG isa sa mga top destination ng mga bagets dito sa bansa. Paano ba naman wala pang dalawang oras ang biyahe papunta rito mula Maynila. Pero kahit konting tumbling lang nasa Tagaytay ka na, para bang nasa malayo ka nang lugar dahil sa malamig na temperatura rito, magagandang tanawin, masasayang activities, masasarap na pagkain, at magagandang pasyalan.
Hindi rin puwedeng mawala sa listahan ang Tagaytay sa dapat n’yong puntahan dahil sa pinagmamalaki nitong Taal Volcano. Binansagan nga ito bilang “lake within a volcano” at nakalista rin ito sa libro na “1000 Places To See Before You Die”. Hindi na rin mahihirapan ang mga bagets magpaalam sa kanilang mga magulang dahil nga kay lapit lang ng Tagaytay, puwedeng-puwede pa nga silang ihatid kung gugustuhin. Kahit hindi pa kayo mag-overnight at day tour lang sa Tagaytay, kayang-kaya na, hindi naman din kayo mabibitin dahil magkakatabi na ang mga attractions sa lugar kaya sulit na rin. Hindi na rin magiging problema ang pagpunta sa Tagaytay nang commute dahil kahit bus lang, madaraanan na ang Tagaytay.
Anu-ano nga ba ang mga dapat n’yong pasyalan sa Tagaytay?
- Antonio’s Tagaytay
Isa sa top garden restaurants ng Pilipinas at siyempre ng Tagaytay ang Antonio’s Tagaytay. Ito rin ang binotong number one restaurant sa Pilipinas ng Miele guide nang dalawang taon na! Kilalang-kilala ang Antonio’s dahil sa sikat nitong dinner menu kung saan makatitikim kayo ng “almost perfect set meal”. Ultimo Dalandan juice nila ay ine-enjoy ng lahat. Sabi nga nila, hindi kayo nakapunta ng Antonio’s kung hindi n’yo natikman ang Dalandan juice nila. Siyempre ispesyal din ang lunch menu nila dahil sa kanilang masasarap na burger at pizza.
- Sonya’s Garden
All-time favorite ang Sonya’s Garden dahil sa fresh Tagaytay Greens salad with signature sauce nito. Kilala rin ito sa kanilang make-your-own-combination-of-pasta. Kung gusto n’yo talaga makapunta sa lugar na makalilimot sa ingay at gulo ng Maynila, Sonya’s Garden na nga ang kasagutan diyan dahil sa old-world elegance atmosphere na mararanasan dito. Bukod dito, maie-enjoy n’yo rin ang flower garden dito at serene spa at breakfast area para sa mga gusto mag-overnight.
- Balai Isabel
Kung gusto mong makita nang malapitan ang Taal Volcano, magtungo na sa Balai Isabel. Ito ang isa sa mga best resorts na malapit sa Taal Lake. Puwede pa kayong magpa-arrange ng masayang trip sa Taal Volcano.
- Yoki’s Farm
Ang Yoki’s Farm ay isang hydroponics farm kung saan gumagamit sila ng mineral nutrient solutions para magpatubo ng mga halaman nang hindi gagamitin ng lupa. Dito rin kinukuha ng mga restaurants sa Tagaytay ang kanilang mga gulay na kasama sa menu nila. Ang maganda rito, hindi lang kayo malilimitahan sa mga hala-halaman dito dahil may mga Chinese artifacts din na nakapagdagdag-atraksyon sa lugar.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo