Kung magkakaroon ng shortlist ang mga epalista ng Kamara, tiyak, pasok na pasok sa listahan ang ating bidang kongresista.
Kasi ba naman, sa pag-iimbestiga ng ating hindi rin nagpapatalong epalista na itago natin sa pangalang Chikadora, nadiskubre niyang may kahiligan sa pagpapapansin ang ating bida. Kaya naman hindi na raw siya nagulat kung lagi itong bibo pagdating sa mga imbestigasyon sa Kamara.
Sa pag-iimbestiga ni Chikadora, napag-alaman nitong laging may nakahandang short comments si Kongresista na kanyang sasabihin sa bawat hearing na dinadaluhan niya.
At para ‘wag mabulilyaso ang kanyang plano, maaga rin ang dating niya sa venue para tumaas ang chance na una siyang matatawag sa mga miyembro ng panel na magtatanong sa resource speakers na kanilang inimbita.
And to complete the act, sinisiguro raw ni Kongresista na malapit sa chairman ng komite ang puwesto niya. Para nga naman ‘pag nag-roll ang camera, aba, kahit papaano, eh, madaraanan s’ya ng precious camera.
Sa mga tambay ng Kamara, halos memorya na nila ang teknik ng kongresista. Kapag na-recognize na siya ng chairman, tatayo siya sabay ayos ng kanyang hindi naman gusot na Amerikana. Pagkatapos ng konting ehem-ehem, idi-deliver niya muna ang nakahanda niyang short speech hinggil sa topic ng pag-iimbestiga. Habang patuloy ang pagmu-modulate o pagpapalagong ng boses na para bang umaarte lang sa isang radio drama, saka ito magtatanong sa mga resource speakers ng mga tanong na sana’y mas pinaghandaan kesa sa short speech niya.
Pagkatapos ng kanyang moment at exposure, pasimpleng i-eskapo ang ating bida. Ang hirit tuloy ng mga mapagmasid na media, ‘tsk tsk, umepal lang talaga ang papansin nating bida.’
Hmmm…buti na lang mahina ang apil niya sa pipol at malabo siyang maging Senador, kung hindi, dadagdag pa siya sa marami na nating epalista. May ganun?!