Hindi masamang magdala ng payong kung tatambay ka ng Senado. Ito ang napagtanto ng ating Chikadorang Miron matapos ang isang sesyon kasama ang bida nating Senador.
Natakasan niya nga raw ang nangangalit na sikat ng araw sa labas o ang manaka-nakang ambon na umeepal sa pabugso-bugso at unpredictable na panahon, hindi naman siya nakaligtas sa super-haggard na pag-ulan ng laway ng ating bidang legislator.
Sa maluha-luhang kuwento ng ating miron, minsan raw ay natiyempuhan niya sa public hearing ang bida nating legislator. At parang M-16 lang na nang raratrat ng mga walang kinalamang sibilyan, uber sa uber ang tumalsik na laway sa kanyang walang tigil na pagdadaldal.
Hindi mawari ng mga miron kung hobby niya lang ang magpaulan ng laway. Dahil lumalabas na sa sobrang kadaldalan, maging ang iba niyang kasamahan, eh, nawawalan na ng chance para makapagsalita at makapag-deliver ng kanilang say sa isyung pinag-uusapan. As in, wala nang makasingit sa pagtatanong dahil may moda siya na parang siya ang ang nagmamay-ari ng diskusyon at talakayan ng komite.
Ang matindi, paulit-ulit nang pinupuna ng kanyang mga kasamahan ang mahilig magpaulan ng laway na senador. Harap-harapan na rin siyang pinagsasabihan na kung pupuwede ay huwag naman niyang habaan ang kanyang mga komento at ‘wag umastang siya lang ang mambabatas sa mundo.
Pero sa kung anong kapal ng kung anuman, eh, hindi tinatablan ang ating bida. Ang nangyayari, super-dedma siya at palaging ep na ep sa pagpapaulan ng laway kahit pa nasusuka na ang mga taong nasa paligid niya.
O siya, maghangad kang maging presidente hanggang gusto mo kahit mababa naman ang popularity rating mo. Tingnan natin kung may boboto sa kandidatong literally, eh, namumuhunan ng laway at nang marami pang laway.