Sino naman ang hindi madidismaya, ang thunder-thunder(damatans) na nga ng nakikita mong kongresista, TL na TL pa?!
TL as in tulo-laway ang hindi mapigilang obserbasyon ng mga miron matapos ilang beses masaksihan ang gawi nitong ating bidang kong. Ayon sa tsismis ng ating Chikadorang Makulit, laman daw ngayon ng kuwentuhan sa apat na sulok ng Kamara itong isa nating Legislator of the Philippine Islands.
Habang nasa kasagsagan daw kasi ng pagdinig ang komiteng kinabibilangan niya, kapansin-pansin na parang may sariling mundo itong ating kongresista. May mga nakakapansin na raw na madalas itong magbutas ng bangko bagama’t paminsan-minsan, eh, sumusundot at nakikidutdot. Pero sa mga pagkakataong nilulukuban ng antok ang ating bida, hayun, hindi niya mapigil ang pagbagsak ng talukap ng kanyang mga mata.
Hilik to the left, hilik to the right ang kanyang drama. Ang matindi pa, ‘pag nasa rurok na ng tulog, may tila ilog ng laway ang dumadaloy palabas ng bibig niya.
Hirit ng mga saksi, masuwerte raw ang mga taong hindi niya katabi. Pero ang mga kasamahan niyang kongresista na minsan, eh, mga congresswomen pa, hayun, tortyur to the eyes ang drama. Wala kasing magawa ang mga katabing kongresista kundi indahin ang hilik at ang malupit na pagtulo ng laway niya. Kung may pagkakataon, lumalabas na lang sila para may breaker, ‘ika nga.
Ang komento pa ng mga bubwit, beterano na raw kasi ito kaya siguro hindi na mapigilan ang pag-idlip na may kasamang kumukulong laway at parang tunog ng makinang hilik.