ANG KAWAWANG mga sekyu ay tahasang ginigipit ng kani-kanilang security agency pagkatapos magtrabaho ng lampas walong oras, pasasahurin pa nang mababa, walang 13th month pay at ang pagbawas sa kanilang mababang sahod na akala nila ay benepisyo, ‘yun pala perwisyo!
Sa hirap ng buhay ngayon, kapit-patalim at pikit-matang nilululon ng mga sekyu ang ‘di maka-taong pagtrato ng operator ng mga security agency na karamihan ay pag-aari ng mga pulis na aktibo sa serbisyo. Mga buwaya!
Nakasaad sa R.A. No.5487, as amended, o kilala sa tawag na “Private Security Law” na ang operator/ may-ari/ nagpapatakbo ng isang security agency ay dapat nakatapos ng kolehiyo at kung ito ay miyembro ng PNP o AFP, kinakailangan na ito ay wala na sa serbisyo o retirado sapagka’t sila ay kailangang mag-sumite ng Retirement Order.
Dito sa Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA), isang sangay na ahensiya ng Philippine National Police(PNP), ang taga-pangasiwa, nangangalaga at nagsasagawa ng inspekyon sa mga security agency. Ang SOSIA ang magsasabi kung ang partikular na ahensiya ba ay sumusunod sa mga alituntunin na itinakda ng batas.
Sa SOSIA rin magsusumite ng aplikasyon at iba’t ibang dokumento para sa pagkakaroon ng lisensya, sila rin ang magdedesisyon kung ang aplikante ba ay sumunod sa mga isinasaad ng batas at sila rin ang tamang ahensiya na dumidinig ng mga kasong administratibo ng mga security agency. Puro kayo na lang… hindi ba uso ang check and balance! Paikut-ikot lang! Kayo-kayo rin!
ANG SECURITY Bond ay isa sa mga pangunahing dokumento na isinu-sumite sa SOSIA na kinukuha ng mga aplikante sa isang insurance company na may akreditasyon galing sa Komisyon ng Pangkasiguruhan. Para magsilbing proteksyon at para siguradong maprotektahan ang karapatan ng mga security guard.
Kung totoong may Security Bond, eh ‘di dapat walang agrabyadong empleyado. Bakit maraming nagrereklamo?
Masamang mag-isip ng masama sa kapwa pero mahirap isipin na baka nagkakataon lang. Tabi-tabi po, ang titindi n’yo! Napakalinaw ng pagsasabuwatan ninyo, pare-parehas kayong mga buwaya! Mga walang awa!
MAY MGA hakbang na ginagawa ang Department of Labor and Employment (DOLE) para magkaroon ng epektibong polisiya para mag-boluntaryong sumunod ang mga security agency sa pagpapatupad sa Minimum Wage Law.
‘Di na natin maasahan na mag-boluntaryong sumunod ang mga hinayupak na ‘yan!
Ang DOLE ay nakikipagtulungan sa Philippine Association of Detective and Protective Agency Operators (PADPAO) at sa Government Procurement Policy Board (GPPB) para magsagawa ng regulasyon ukol sa security agency bidders sa pamamagitan ng Bids and Awards Committee (BAC) ng iba’t ibang sangay ng gobyerno upang maiwasan ang tinatawag nilang “under cutting of contract”. Pero tila ang mga taga-BAC, basta kung ano ‘yung mura, sabak nang sabak. Maliwanag na pangungunsinti, KASABWAT din kayo!
KAAWA-AWANG MGA security guard, niloloko na ng mga buwaya, pinamumunuan pa ng isa pa ring buwaya sa Kamara. Masalimuot.
Sana naman ay mapansin ng mga nakaupo sa ating gobyerno at ng mga mambabatas, na nangangailangan na ng masusing pag-aaral upang magkaroon sila ng rekomendasyon kung dapat bang amendahan ang batas o tanggalin ang mga nagpapatupad ng batas para sa security agency.
Shooting Range
Raffy Tulfo