MINSANG NAPASYAL ako sa Taiwan para mag-obserba sa kanilang parliyamento, natiyempo naman na nagkagulo at nagsuntukan ang mga miyembro nila ng parliyamento (katumbas ng congressman dito). Nang humupa ang gulo, naibulong sa akin ng Taiwanese guide ko na huwag ko pansinin ang mga ‘yun. Arte lang daw iyon at gimik ng mga mambabatas para makilala sa media.
‘Di kaya ganito lang ang ginagawa ng mga pulitikong Taiwanese? Mukhang wala na silang masamantalang okasyon para magpasiklab sa kanilang mga kababayan at sumikat sa media. Kaya ‘eto, pilit na pinipikon ang mga Pinoy at pamahalaan natin. Isip nila, baka sila ang ituring na mga bayani ng kanilang mga kababayan at ma-kilala bilang mga makabayang lider.
Kasi’y nakapagtataka na humingi na ng dispensa ang pamahalaang Pinoy at iniimbestigahan na ang pangyayari pero parang ayaw itong tanggapin ng mga pulitikong Taiwanese. Gumagawa lang sila ng artipisyal na emergency para makapapel.
Kung tutuusin, ang Taiwan ang isa sa pinakamasahol magtrato sa mga OFW, bago pa man ang insidenteng ito. Masama ang working conditions sa mga pinagtatrabahuhan ng mga OFW roon. At halos Taiwan na lang ang nalalabing bansa na naniningil ng karagdagang placement fee mula sa mga OFW kahit pa ito ay ipinagbabawal ng pamahalaan natin. At ang palusot nila’y “broker’s fee” raw ang sinisingil nila.
Kaya nga’t may mga pagkakataon na tayong mga Pinoy ay tumanggap ng pagkakamali at magpakumbaba. Ngunit may panahon din na dapat tayong magpakakatag at huwag basta magpapaduro. Ngayon na ang panahong ito!
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo