Dear Atty. Acosta,
AKO PO AY may asawa ngunit makalipas ang dalawang (2) taong magulong pagsasama, ako ay umalis sa aming bahay at nakisama sa isang labing-anim (16) na taong gulang na babae. Nang malaman ito ng aking asawa ay sinugod niya kami sa aming tinitirahan at nagkagulo.
Nang malaman ng mga magulang ng aking kinakasama na ako ay pamilyado, kinasuhan ako ng “child abuse”. Ngayon ay mayroon po akong “warrant of arrest” subalit hindi ako nahanap ng mga kinauukulan. Apat na taon na po ang nakakaraan at mayroon na rin pong asawa ang dati ko pong kinakasama. Sa ngayon po ay hindi ako makakuha ng matinong trabaho dahil sa aking nakabinbin na “warrant of arrest”. Nais ko na pong ayusin ang aking kaso, ano po ang aking gagawin? –Bernard
Dear Bernard,
HINDI PO KAYO magkakaroon ng katahimikan sa buhay hangga’t hindi ninyo naaayos ang gusot na inyong napasukan. Ang kaso na isinampa laban sa inyo ay nando’n lamang sa rekord ng husgado kung saan ito ay isinampa. Hindi rin po maaalis sa rekord ninyo sa National Bureau of Investigation (NBI) na kayo ay mayroong nakabinbin na warrant of arrest. Sa ganitong sitwasyon ay hindi po talaga kayo makakahanap ng matinong trabaho. Sa mata ng batas kayo ay isang “fugitive from justice”.
Ang pinakamabuti po ninyong gawin ay sumuko sa mga kinauukulan para po mabuksan muli ang kaso na isinampa laban sa inyo. Inyo pong alamin kung saang husgado po nakabinbin ang nasabing kaso. Kapag alam na ninyo kung saan ito naisampa, kayo ay dumulog sa isang abogado upang kayo ay kanyang matulungan para sa inyong pagsuko sa mga kinauukulan. Kaila-ngan po kasi ninyong harapin ang kaso na isinampa laban sa inyo para maipagtanggol ninyo ang inyong sarili. Malinaw naman po na nakasaad sa ating Saligang Batas na ang isang inaakusahan ng isang krimen ay ipinagpapalagay na inosente hanggang hindi napatutunayan na siya nga ay nagkasala. Bahagi po ng ating due process na pakinggan ng hukuman ang bawat panig para kanila pong matanto na ang taong inaakusahan ay lumabag sa batas.
Maaari rin po ninyong lapitan ang mga nagsakdal sa inyo para ipaabot sa kanila ang inyong hangaring sumuko sa kinauukulan para harapin ang sakdal na kanilang isinampa laban sa inyo. Ano pong malay ninyo kung kanila itong iurong dahilan sa maayos na rin naman ang kinalalagyan ng kanilang anak. Ngunit hindi po na-ngangahulugan na kapag nakapagpatawaran na kayo ay mawawala na po ang inyong kaso. Kaila-ngan pa rin po ninyong sumuko at harapin ang sakdal at kumuha ng abogado na magtatanggol po sa inyo. Kung wala po kayong kakayahang kumuha ng inyong abogado, maaari po kayong dumulog sa tanggapan ng Public Attorney’s Office (PAO) sa lugar kung saan nakasampa ang inyong kaso upang humingi ng tulong legal. Ang amin pong mga tanggapan ay karaniwang matatagpuan sa Justice Halls ng siyudad, munisipyo o sa kapitolyo ng lalawigan.
Let us watch Atty. Persida Acosta at “PUBLIC ATORNI”, a reality mediation show every Thursday after Aksyon Journalismo at TV 5.
Atorni First
By Atorni Acosta