MASAYA NA ang gru-pong Take Off sa kung anuman ang naging achievement nila sa kanilang pagsali at pagkapasok sa Top 12 ng X Factor Philippines. Ilang taon na ring nag-struggle ang grupo upang magkaroon ng espasyo sa music industry at ang pagsali sa malawakang music competition ng ABS-CBN ang nakikita nina Neo Domingo, Gerald Yranon, JZ Zamora, Ice Medina, at Raffy Calicdan, miyembro ng grupo, na paraan upang kahit papaano ay makilala at magkaroon ng tatak sa sambayanan.
Natiyempuhan naming ang grupong Take Off sa kanilang guesting sa isang birthday party sa may Palacio De Maynila noong September 19 at hindi naman sila nagpahuli in terms of performance sa nasabing event kung saan well applauded ang kanilang pagkanta at pagsayaw.
After their number, nakipagkuwentuhan ang grupo sa amin at inamin nilang nasaktan sila tuwing elimination level nang X Factor dahil sunud-sunod sa tatlong lingo ng show ang pagkalagay nila sa bottom two.
Ayon pa kay Gerald, “Ah, dyino-joke ko nga ‘yung mga kasama namin sa top 12 na sabi namin, baka gusto n’yo namang maging bottom 2. Kasi baka sabihin n’yo makasarili kami, kasi baka gusto n’yong ma-try ‘yung nasa bottom 2. Pero ‘yun nga, hindi natin alam ‘yung kumpetisyon, eh. Competition talaga siya, may nananalo, may natatanggal, pero ‘yun nga from the start naman, ‘yun ‘yung kinaganda, na sa amin from the start, matanggal man kami, mag-stay man kami nang matagal, huwag masyado mag-expect. Tapos, ‘yun lang, ibinigay lang namin ‘yung best namin.”
Dugtong pang sagot ni Ice, “Siguro ‘yung expectations na ‘yun, nangyari ‘yun nu’ng pangalawa na namin. Kasi nu’ng una, hindi pa kami masyadong prepared na umalis kaya parang mabigat pa ‘yung mga pakiramdam namin. Pati ‘yung pangalawa, kaya nung after that, sabi na namin sa sarili namin na kailangan nang paghandaan na natin, ‘yung paano ‘yung performance naman natin na hindi ‘yung para tayong naiiyak. Pero unfortunately, ‘yun natanggal kami, pero masaya kami du’n sa last performance namin.”
Sunod na inusisa namin ang tungkol sa mababa nilang text votes. Ibig bang sabihin nito ay kulang ang naging suporta ng mga fans nila?
Depensa ni Neo, “’Yun nga ‘yung iniisip namin ng grupo, sa pagkakaalam naman namin, bumuto naman sila, kaso kulang lang talaga at marami lang bumoto sa mga kalaban namin.”
Sa 8th elimination ng X Factor ay nalagay ang Take Off at si Joan Da sa bottom two. Matatandaang sa huling dalawang eliminations ay nalagay rin ang Take Off sa bottom two pero iniligtas sila lagi ng judge na si Charice. Pero sa ikatlong pagkalagay nila sa alanganin, marami ang nagulat kung bakit nag-iba ang ihip ng hangin at bumoto si Charice against them. At inamin nilang sobra silang nasaktan sa pangyayari.
Ani JZ, “Masakit kasi parang, hindi naman sa ano pero parang ‘di namin matanggap ‘yung reason niya na dahil na bottom 2 na raw kami nang dalawang beses, kaya okay na kami. Parang feeling namin hindi niya binase sa performance. Parang malabo ‘yung explanation niya para tanggapin.”
Saad naman ni Raffy, “Question sa amin kung bakit biglang bumaligtad ‘yung tingin niya sa amin, na bottom kami before, pabor siya sa amin, ipinaglalaban niya kami. Tapos, kami yung biglang pinili niya na umuwi na. Parang question mark sa amin. Tsaka ‘yung performance naman namin, at sa tingin namin masi-save kami that night. Kaya ‘yun, biglang masakit lang talaga.”
In general, thankful pa rin sila kay Charice dahil dalawang beses nga naman silang iniligtas nito. Ayon pa kay Neo, “Thankful kami dahil sinuportahan niya kami nu’ng una dahil sinave kami. Siguro may reason din siya na hindi na namin maipaliwanag, pero salamat pa din.”
Sure na ‘to
By Arniel Serato