SUPER EXCITED SI Robin Padilla dahil pasok ang pelikula niyang Mr. Wong sa Metro Manila Film Festival. First time kasi siyang makakalahok sa nasabing filmfest kaya ganoon na lang ang pasasalamat ng action superstar.
“Bilang artista, pinangarap kong makasali sa festivial kaya ganu’n na lang ang tuwa ko nang malaman ko na pasok ang pelikula ko ngayong Pasko. Napaka-importante ng Pasko sa ating mga Pilipino kaya napakaligaya ko,” masayang sabi ni Binoe.
Tribute pala ni Robin kay Chiquito ang Mr. Wong, kaya ito ang napili niya para gawin. Idol niya ang namayapang komedyante, base sa character ni Mr. Wong ang papel na kanyang gagampanan. May mga idinagdag sa character ni Robin kaya may pagbabago sa takbo ng istorya.
“Maraming nagmamahal kay Chiquito at isang pagbibigay-pugay ito sa kanya, kaya lang iba na ang takbo ng panahon ngayon. Mga bata na ang gumagawa ng pelikula kaya iba na ang dating. Pati mga writers iba na rin, kaya may bilin ako sa kanila. Dapat tumatak sa isipan ng manonood ang pangalan ni Chiquito dahil siya si Mr. Wong na nagpasikat sa character na ‘yon,” pakiusap ng action superstar.
Hindi kaya mahirapan si Robin sa character na gagampanan niya bilang action-comedian? “Yun ang challenge at kaabang-abang. Si Tatay Chiquito ay isang magaling na comedian, ako naman ay action star. Medyo kakaiba kasi contrast ang personalities naming dalawa pero super hero pa rin si Mr. Wong, kaya walang imposible sa kumbinasyong ganu’n kahit may kaunting drama.”
First time, walang leading lady si Robin sa nasabing pelikula. Umiiwas kaya ang action star na baka i-link sa kanya ang magiging leading lady at baka pagsimulan pa nila ng away ni Mariel Rodriguez. Ayon kay Binoe, nagkaroon raw kasi ng leading man ang dalaga niyang anak na si Kylie kaya pass muna daw siya sa pagkakaroon ng leading lady. “Naiba na kasi ang kuwento, si Kylie ang gusto nilang gawing bida. Sa akin, okey lang ‘yun dahil anak ko si Kylie. Hindi ko pa alam kung sino ang magiging leading man niya. Kahit sino aprub sa akin basta ang importante ay mailunsad ang career ni Kylie kaya pumayag akong mapunta ang focus ng istorya sa aking anak.”
Sinigurado ni Robin na palaging may oras siya para kay Mariel at kina Kylie at Queenie. “Sinisiguro kong may oras para sa kanila. Hindi ako nagtatrabaho ng Sabado para may time ako sa misis kong si Mariel. ‘Pag linggo naman, kasama namin ang mga anak ko.”
Inamin rin ni Robin na hindi na niya kaya na walang tulog unlike before na okey sa kanyang magtrabaho kahit sagad-sagaran, kahit na raw araw-araw.
“Hindi na tayo kasing bata na tulad ng dati. Iba na ang energy ko ngayon unlike before. Saka iba talaga ang may nag-aalaga, kasi dati pag-uwi ko wala naman akong kasama sa bahay na nag-aalaga sa akin, mabigat. Mabuti na lang at nandoon ang mga anak ko. Pero malalaki na ang mga anak ko ngayon. Saka gusto ko rin naman na mabigyan ng tamang oras ang aking asawa,” aniya.
After ng teleseryeng Guns and Roses, mala-sitcom naman ang susunod na project ni Binoe with Angelica Panganiban.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield