HINDI NAMAN PALA talaga bopol sa English si Venus Raj. At ito ang na-prove niya nang lumabas ang unang issue ng kanyang column na may titulong Major Major sa isang broadsheet.
Nasorpresa nga raw ang mga nakabasa ng column na ito ni Venus kung saan sa unang issue ay kanyang ikinuwento ang mga hindi niya malilimutang karanasan sa Miss Universe 2010 pageant, kung saan siya 4th runner-up. Venus writes well daw pala. And yes… in English, huh!
At dahil diyan, kumbinsido na ngayon ang marami na hindi bobita si Venus. Kinabahan lang nga raw marahil ito kaya hindi nai-express nang maayos ang naging sagot niya sa simple, pero tricky na tanong kung ano ang nagawa niyang biggest mistake in her life at kung ano ang kanyang ginawa to correct it.
Hanggang sa kanyang column, pinaninindigan pa rin nga ni Venus ang naging sagot niya sa nasabing tanong. Wala nga raw siyang major major mistake na nagawa sa buhay niya.
Nananatiling zero pa rin ang lovelife ngayon ni Venus. According to people close to her, may mga guys naman daw na nagpapalipad-hangin sa Bicolanang beauty queen. Ang kaso, wala raw muna sa pagpapaligaw ang interes niya ngayon. Mas type umano niyang mag-focus muna sa bawat opportunity na dumarating sa buhay niya at this point.
Takot din siguro itong si Venus na baka makasagabal lang ang pagbu-boyfriend sa mga pangarap niya sa buhay, lalo na at may plano nga siyang pumasok din sa showbiz. Major mistake nga naman ito for her kapag nagkataon.
‘Yon na!
SCRIPTED NGA LANG ba ang mga awayang napi-feature sa Face To Face? May narinig kasi kaming nagkukuwentuhan tungkol sa kanilang kapitbahay na naging guest sa nasabing kauna-unahang talakserye sa bansa na napapanood sa TV5.
Nagulat umano sila na hindi naman talagang magkakaaway ang mga kapitbahay nila, pero hayun at biglang napanood na lang umano nila sa TV na nagbabangayan. Tapos ‘yong isa raw sa mga ito, may drama pang may anak umanong nagdya-Japan gayong ang totoo naman daw ay wala naman.
Scripted daw. Ito umano ang sagot ng mga kapitbahay nilang nag-guest sa show na ito ni Amy Perez nang usisain daw nila. ‘Yong simpleng problema raw was presented na exaggerated na raw. Para umano maging cinematic ang dating.
May bayad naman daw kaya okey lang umano na magkunwari na magkakaaaway silang mortal, sabi pa raw ng mga ito. Tig-3 thousand pesos daw kapag nagbati. Tig-2 thousand naman kapag hindi pumayag mag-ayos.
Kaagad naman naming hiningi ang reaksiyon ng program unit manager ng TV5 na si Anthony Pastorpide. Itinanggi niyang nagbabayad ang Face To Face sa mga nagiging guest sa show. At lalo umanong hindi scripted ang mga problema o awayang napi-feature sa bawat episode ng show.
Lahat daw ng problema o awayang tinatalakay sa araw-araw na pag-ere ng nasabing programa ay totoo, walang bawas at wala ring dagdag na kuwento. Ito ay base na rin umano sa mga kasong idinulog sa mga barangay hall na hindi pa rin nariresolba na kaya raw ipini-feature sa show ay para masolusyunan na.
Sa dami raw ng mga reklamo o kasong idinudulog sa kung saan-saang barangay, kailangan pa raw bang mag-imbento o mag-script ng awayan o problema ng mga tao?
Kung sa bagay!
HABANG IPINAGDIDIINAN NI Mariel Rodriguez na wala siyang alam sa mga isyu sa kanya na sangkot din ang mga pangalan nina Toni Gonzaga, Anne Curtis, Luis Manzano, ay KC Concepcion, nagsisipagtaasan naman daw ang kilay ng mga taong may alam sa totoong kuwento ng mga usaping ito. Alam naman daw ng actress-TV host ang totoo kaya hindi na raw siya dapat na nagmamaang-maangan pa.
Lalo pagdating sa awayan nila ni Toni na sinasabi ni Mariel na paano raw siya magri-react eh, hindi naman niya alam kung ano ba talaga ang pinanggagalingan. Imposibleng wala nga raw siyang alam.
Magagalit daw ba si Toni sa kanya kung walang kadahi-dahilan? Ano ba naman daw ‘yong personal na niyang kausapin si Toni kesa ‘yong on national TV siya mag-i-emote with matching pag-iyak pa.
Panindigan na lang daw kasi ni Mariel ang naging bunga ng pagmamaldita niya sa ilang kapwa niya artista. Mag-apologize kung kinakailangan. Hindi ‘yong patuloy pa rin nga umano siyang magpi-pretend na walang alam. Ganyan?
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan