BIBIGYANG-DAAN NG espasyong ito ang ilan sa mga text messages ninyo na ipinadala sa aming text hotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
- Isusumbong ko lang po ang talamak na kotongan dito ng mga enforcer ng MMDA at ng mga pulis sa mga vendor dito sa palengke sa Bicutan. Nagmimistula na pong bazaar ang mga bangketa dito at halos wala ka nang madaanan sa dami ng mga vendor. Kapag may mga bubong sila na gawa sa tarpaulin ay hindi naman masisita ng mga pulis at enforcer dahil nagbabayad sila ng P30.00 sa MMDA at P50.00 sa pulis araw-araw. Kahit na po lumagpas sa tamang guhit ang mga vendor ay wala silang pakialam dahil binabayaran sila. Sana maaksyunan n’yo po ito. Kaya talamak ang mga mandurukot dito dahil sa hindi na makadaan nang maayos ang mga mamimili.
- Sir, pakiaksyunan naman po na matigil ang pangongotong ng mga pulis sa may C-3 Road sa Navotas area. Sakay po ang mga ito ng patrol car na may plakang SLB 228 at SLB 229.
- Gusto ko pong ireport ang pangongotong sa mga kumukuha ng police clearance sa Valenzuela City Hall. Kasi po kapag may pera ay mabilis mong makukuha ang clearance samantalang kapag wala ay maghihintay ka pa ng tatlong araw.
- Sir, may problema po kaming mga estudyante rito sa Northwest Samar State University sa Calbayog City. Criminology student po kami na nag-aaral sa nasabing unibersidad. Iyong problema po namin ay iyong miscellaneous fee na Criminology Laboratory na binabayaran ng P500.00 every semester ngunit wala naman po kaming Criminology Lab. Simula pa noong kami ay first year ay hindi kami naka-avail doon. Bakit po binabayaran namin iyon samantalang hindi naman po namin napakikinabangan? Pati po ang ibang batch na nauna sa amin ay may binabayaran ding ganito. Sana po ay matulungan ninyo kami.
- Ireport ko lang po iyong drag racing dito sa C-5 Road sa Mindanao Avenue. Hindi po pinapansin ng mga pulis at dinadaan-daanan lang. Pakikalampag naman po ang mga kinauukulan dahil nakapeperhuwisyo po ito.
- Isa po akong concerned citizen, irereklamo ko lang po iyong paniningil ng school ng anak ko ng P250.00 bawat bata para raw sa pagpapagawa ng pader ng eskuwelahan. Isa raw po itong PTA project. Dito po ito sa Cabasan Elementary School sa Tabacco, Albay.
- Nais ko pong iparating sa inyo ang aking reklamo tungkol sa paniningil ng Alfonso Elementary School sa mga estudyante ng halagang P200.00 para raw po sa pagpapaganda ng paaralan. Ang hindi po makabayad ay binibigyan ng solicitation letter para ipanghingi po sa mga tao.
- Pakikalampag naman po ang Brgy. Sapalibutad Elementary School dahil sa sobrang dami ng pangongolekta sa mga bata. Para raw sa TV, aircon, electric fan, tubig, janitor at iba pa.
- Hihingi lang po sana ako ng tulong sa inyo na maaksyunan ang aming reklamo sa isang guro na nagmamaltrato ng mga grade school. Mahilig mamalo at nambubusal ng papel sa bunganga at ang masama pa ay mali ang mga itinuturo sa mga bata. Sobrang apektado na po ang bata at ayaw nang pumasok sa takot at laging pagbabanta na bababa ang kanyang grade dahil siya ang nagsumbong. Nagreklamo na po sa principal ngunit mas kinakampihan pa nito ang guro. Sana po ay matulungan ninyo kami.
- Pakibigyang-pansin naman po ang Las Piñas District Hospital lahat po kasi ng mga doktor, nurse at lahat ng staff doon lalo na po kapag dis-oras ng gabi kayo nagdala ng pasyente ay sinusungitan po nila at minumura nila. Pakiaksyunan naman po para matigil na ang mga kawalanghiyaan nila.
- Saan kaya napunta ang budget ng local government para sa Cagraray District Hospital dito sa Brgy. Cabasan, Bacacay, Albay? May mga dumating ngang doktor ngunit wala naman dalang mga gamot. Kapag may emergency ay wala silang maibigay na gamot para sa paunang lunas man lang. Kawawa naman po ang mga dinadalang pasyente dito.
- Isa po akong concerned citizen dito sa C-5 sa Pinagsama Phase 2 Village Taguig City. Irereklamo po namin iyong bawat kalye sa amin dahil barado ang drainage namin. Tuwing umuulan ay bumabaha. Inireklamo na po namin ito sa barangay pero wala silang ginawang aksyon. Pakikalampag naman po ang mga kinauukulan para masolusyunan ang aming problema.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Napapanood din sa TV5 sa T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm. At sa Aksyon Weekend news tuwing Sabado, 4:45 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo