ILAN TAON na ang nakalilipas, dahil sa aking pagiging bagitong manunulat at kapusukan, mayroon akong mga naisulat sa pahayagan na mga bagay na nakasakit sa damdamin ng ilang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo na may matataas na katungkulan sa Pamamahala nito. Ang aking tinutukoy ay sina Ka Bendito Sandoval at Ka Benefrido Santiago.
Isang natiwalag na miyembro ng INC noon ang nag-udyok sa akin na isulat sina Ka Sandoval at Ka Santiago base sa mga bagay na kanyang mga nalalaman laban sa dalawa. At dahil sa ako ay baguhan pa lamang sa pagsusulat, hindi ko binerepika ang mga impormasyon na kanyang ibinigay o tinawagan sina Ka Sandoval at Ka Santiago para makuha na rin sana ang kanilang panig.
Huli na nang aking mapag-alaman na ang mga impormasyong ibinigay sa aking ng taong iyon ay mga paninira lamang at ako ay kanyang nagamit sa kanyang maitim na balakin.
Sa pagdaan ng panahon, habang lumawak ang aking karanasan sa pagsusulat at lumawak ang aking kaalaman tungkol sa INC at dumami ang aking kaibigan na kaanib nito, nagkaroon ako ng paghanga at paggalang sa kapatiran ng INC.
Kaugnay nito, nais kong humingi ng paumanhin kina Ka Sandoval at Ka Santiago sa pagsusulat ng mga maling impormasyon tungkol sa kanila na nakapagdulot ng sama ng loob sa kanilang dalawa. Ikinalulungkot ko ang naging kamalian kong iyon.
Nais ko ring samantalahin ang pagkakataong ito para batiin ang lahat ng mga kaanib ng INC ng isang matagumpay at masayang sentenaryo sa darating na July 14.
PAKIIMBESTIGAHAN NAMAN po ang Dubinan Elementary School dito sa Santiago City dahil grabeng magpa-project. P100.00 per student ang sinisingil para raw pagandahin ang eskuwelahan.
IREREKLAMO KO lang iyong Calumpang Elementary School sa Binangonan dahil iyong mga teacher ay nanghihingi po ng P70.00 sa bawat estudyante para raw pampagawa ng CR at pambili ng electric fan.
ILALAPIT KO lang po sana ang problemang ito sa Taguig City. Sa Upper Bicutan National High School. Kasi nagsisimula na pong maningil ang mga teacher ng project daw pambili ng walis tingting, tambo at electric fan.
PAKITAWAG ANG pansin ng pamunuan ng Pasay South High School sa Villamor. 4th year high school na itong anak ko bakit pati floorwax sila pa ang bibili. Pinagbibigay sila ng P20.00 bawat isa.
ITATANONG KO lang kung talaga po ba na may bayad ang aklat ng Kinder 2. Dito sa Pindangan 2nd, Camiling, Tarlac bale apat na piraso ng aklat ay P1,200.00. Hindi naman private school ito.
ISUSUMBONG KO lang po iyong paniningil ng principal sa mga magulang ng estudyante dito sa Nueva Victoria Elementary School sa Mexico, Pampanga. Sana po matulungan n’yo kami para matigil na itong taun-taon na lang na ginagawang paniningil.
DITO PO sa Brgy. Lucia Capas, Tarlac, umpisa pa lang ng pasukan ng mga bata sa elementary ay ang dami ng hinihingi sa mga bata. P130.00 para daw sa upuan at may pinabibili pang project nila.
PAKIKALAMPAG NAMAN po iyong pamunuan ng Cambaog High School kasi iyong anak ko ay pinauwi noong hindi makabayad ng P300.00.
I-COMPLAIN KO lang po ang eskuwelahan na Arsenio H. Lacson. Kinder level na naniningil po ng P1,200.00 bawat pupil dahil pambili raw ng workbook at libro. Hindi po ba bawal maningil sa mga pampublikong paaralan? ‘Di ba dapat po under ‘yan ng budget ng DepEd o kaya ay local government? Para na rin kaming nagpaaral sa private, kaya nga po kami nag-public school para makagaan sa gastusin tapos libo kaagad ang hinihingi at mandatory pa raw po sa lahat ng Kinder level.
PAKIIMBESTIGAHAN NAMAN dito sa Peñablanca West Central School dito sa Peñablanca, Cagayan. Ang mga teacher ang nagdidispatsa sa canteen lampas sa breaktime. Naapektuhan tuloy ang oras nila sa pagtuturo. Kawawa ang mga bata.
IREREKLAMO KO po ang LR Central School sa Brgy. United Bayanihan, San Pedro, Laguna dahil naniningil ang teacher ng P10.00 araw-araw para raw po sa kuryente.
ISUSUMBONG KO lang po iyong school ng mga anak ko rito sa Sabang Annex Elementary School sa Naic, Cavite dahil ang daming sinisingil sa mga magulang. P100.00 pang-kisame. P50.00 para sa kuryente dahil magpapakabit daw ng sariling kuntador. P50.00 sa electric fan. P50.00 sa Red Cross. At P80.00 sa test paper per grading period. Sana po ay matigil na iyong ganitong kalakaran sa mga school at sana po ay matulungan ninyo kami.
GUSTO KO lamang pong ipaabot sa inyo ang aming reklamo tungkol sa Sto. Rosario Elementary School dito sa Angeles City, Pamapanga dahil naningil sila ng P685.00 noong enrollment. Iyong P150.00 daw po ay para sa brigada na maglilinis sa mga rooms. Iyon pong sobra roon ay para raw sa school supplies na sa kanila mo lang puwedeng bilihin. Ilan lang pirasong notebook at saka ilang papel lamang ito. Naniningil din po sila ng P40.00 monthly. Lahat po ito ay walang resibo. Matagal na po nilang ginagawa ito at dapat na pong matigil. Walang silbi ang PTA rito.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo 5 at sa Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Napapanood din ang inyong lingkod sa TV5 sa T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes, 5:30 pm. At tuwing Sabado sa Aksyon Weekend new, 4:45 pm.
Para sa inyong mga sumbong, maaaring mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo