0932714xxxx – Gusto ko lang pong ireklamo iyong mobile patrol dito sa Mandaluyong dahil gabi-gabing may kinokotongan ang mga pulis dito sa kahabaan ng Boni Avenue at Madison Pioneer. Lahat ng mga nakapila ay kinokotongan nila ng sampung piso kada isang taxi. Ang plate number po ng mobile unit ay SJL 934 na may body number na 304. Sana po ay maaksyunan ninyo ang reklamo kong ito. Salamat.
0948850xxxx – Idol, irereport ko lang po iyong mga nagrorondang pulis kapag gabi dito sa kahabaan ng Roxas Boulevard. Kawawa po kasi iyong mga motorista na pinapara nila at kinokotongan. Madalas pong nakaparada ang mobile at pinapara ang mga dumadaan lalo na ang mga jeep na may mga kargang gulay.
0908267xxxx – Isa po akong concerned citizen, may naganap po kasing holdapan dito sa isang tindahan dito sa Imus noong isang madaling-araw. Dalawang beses na pong naholdap ang nasabing tindahan ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring nahuhuli. Nag-try po kaming tumawag sa police station ng Imus kaso walang sumasagot, iniha-hang pa ang linya. Hindi kaya ang mga pulis dito ay mga tulog sa oras ng duty o kaya naman ay mga tinatamad na gampanan ang kanilang tungkulin? Maaari ring takot sila o kasabwat ng holdaper. Buti pa ang mga tanod ay mabilis mag-responde. Mabilis lang ang mga pulis dito sa pangongotong sa mga naka-motor na hinuhuli nila pero sa mga kriminal wala silang ginagawa. Idol, alam ko pong malaki ang magagawa ng inyong programa para mabago ang sistema ng mga pulis dito. Maraming salamat po, more power and God bless.
0922560xxxx – Sir Raffy, gusto ko lamang pong iparating sa inyo ang talamak na pang-aagaw ng cellphone dito sa Tandang Sora along Commonwealth. Malapit lang po ang presinto 3 pero walang ginagawang aksyon ang mga pulis dito. Araw-araw pong nangyayari ang pang-aagaw ng cellphone dito sa lugar na ito, kawawa naman ang mga taong naagawan ng cellphone. Sana po ay maging daan kayo para makalampag ang mga kinauukulan dito upang sila’y kumilos at nang matigil na ang ganitong krimen dito. Salamat po.
0928230xxxx – Ire-report ko lang po iyong talamak na holdapan dito sa may stoplight ng Zaragosa sa Maynila. Kapag dumarating po ang mga pasahero ga-ling barko, lagi pong may nahoholdap doon. Sana po ay magkaroon ng police visibility sa lugar na ito para mabawasan ang holdapan.
0922269xxxx – Sir Raffy, ipapakalampag ko lang po sa inyo ang mga kinauukulan dahil sa nagaganap na katiwalian dito sa dating opisina ng LTO Cainta. Wala na pong opisina rito simula pa nang dumaan ang bagyong Ondoy sa bayan ng Cainta, subalit nagsulputan ang mga mapagsamantala nating kababayan dito. Ang kanilang modus, hinaharang nila ang mga gustong kumuha ng lisensiya at sila mismo ang nag-e-estimate kung magkano ang babayaran ng pobreng aplikante. Sila raw umano ang mag-aasikaso ng lisensya, tinutubuan nila at sinisingil ng mahal ang mga naloloko nilang tao.
Ang WANTED SA RADYO (WSR) ay napapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes-Biyernes, 2-4 pm. Ang WSR ay kasabay na mapapanood sa Aksyon TV sa Channel 41. Channel 1 sa Cignal Cable, Channel 7 sa Destiny at Channel 61 sa SkyCable.
Shooting Range
Raffy Tulfo