BIBIGYANG-DAAN MULI sa espasyong ito ang ilan sa mga text messages ninyo na ipinadala sa aming text hotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
- Irereport ko po ang Dela Paz Elementary School sa Antipolo City. Puwersahan pinabibili ng sopas ang mga mag-aaral. P5.00 a day, kainin o hindi ng bata, kailangang magbayad. Kawawa po ang mga magulang, hirap na nga mag-budget at minsan naglalakad na lang po para makatipid lang, kaso nababawasan pa pambayad sa kanila.
- Gusto ko po sanang mabigyan ng aksyon itong Raul Causing Memorial School sa Boratac Viejo, Iloilo kasi po ay naniningil po ang mga teacher ng PTA – P50.00 at saka miscellaneous na P165.00 naman na para sa walis, kurtina, electric fan, doormat, floorwax at para na rin daw sa pagpapatayo ng school building.
- Ire-report ko lang po iyong school ng mga anak ko na Kanggahan Elementary School sa Trece Martirez, Cavite. Grabe ang mga requirement nila sa mga estudyante, bawat section ay may ipinabibili sila na mga school supplies na marami bawat items. Alam ko po ibebenta rin nila iyong mga nakuha nila sa mga student. Wala lang pong magkalakas ng loob na magsumbong sa kinauukulan.
- Nais ko lang iparating sa inyo at sana po ay matulungan n’yo po kami dahil ang mga students dito sa eskuwela, from grade 1 to high school ay compulsary na nagbabayad sa mga guro. Ang grade 1 to 4 ay P10.00 kada araw ang ibinabayad bawat isa, ambag daw sa bentilador at bayad sa kuryente. Ang grade 5 hanggang high school ay mas mataas ang binabayaran. Matagal na po itong kalakaran dito sa amin takot lang ang mga magulang na magreklamo dahil baka mapag-initan ang mga anak.
- Irereklamo ko po ang Sergio Osmeña National High School dahil iyong card ng mga kapatid ko ay ‘di pa inire-release kaya hindi pa makapag-enroll. Hindi pa sila nakapagbayad sa PTA kaya hino-hold iyong card.
- Concern ko lang po ang mga truck ng softdrinks na ginagawang garahe ang kalsada papasok sa Moonwalk Gate 2 dahil pasukan na naman po ng mga bata sa eskuwelahan at nakaharang sila sa malapit sa Moonwalk Elementary School. Ang mga bata tuloy ay sa gitna ng kalsada dumadaan imbes na sa gilid dahil mga nakahambalang sila roon. Pakitawag po ang atensyon ng mga kinauukulan.
- Concern lang po ako sa kalsada namin dito sa Mindanao sa Zamboanga del Sur. Itong mga kababayan nating magsasaka dito ay mahirap ang sitwasyon. Pagod na pagod silang magtrabaho simula umaga hanggang hapon sa pagsasaka pero mura lang kung bilihin ang ilang buwan nilang hinintay na mga tanim. Konti lang kinikita dahil mahal ang pamasahe sapagkat sira-sira ang mga kalsada. Mula pagkabata ko ay ganito na ang situwasyon ng kalsada rito. Nasaan na kaya ang pondo para maisaayos ang kalsada rito? Hindi ba taun-taon ay may budget para sa mga pagpapagawa ng kalsada.
- Sir, saan po kami puwede lumapit? Nagkaroon kasi ng project ang DA dito sa baranggay Cadmang-Reserva sa Cabangan, Zambales. Sa kagustuhan po nilang matapos kaagad ay kung saan-saan nila pinadaan ang kanal samantalang maraming mga nag-aantay rito sa baba at nangangailangan ng patubig. Puwede po bang pakitulungan kaming mga magsasaka?
- Pakitanong naman po sa Buhi, Camarines Sur Engineering Department kung bakit may mga nagpapa-construct ng bahay na wala kaming nakikitang building permit na naka-display sa site. Ito pong mga pinapa-construct nila ay palagay namin delikado kasi hindi sila dumaan sa tamang proseso. Ito naman pong taga-Engineering sa munisipyo, tila nagbubulag-bulagan lang. Dapat po ay maimbestigahan ito.
- Isumbong ko lang po ang nagre-wrecker sa amin. Pamemera lang po ang ginagawa nila. Wala naman po ako sa kalsada pinagtatali na kami at saka mga taxi lang ang hinihila nila. Mga private cars ay hinahayaan lang. Hinihingian kami ng tig-P1,000.00 at kapag nakapagbigay ay pinapakawalan na. Pera-pera lang sila.
- Irereklamo ko lang iyong kalsada dito sa barangay Parian sa Calamba, Laguna. Ginawa nga ang tulay, iniwan namang may mga lubak. Marami nang motor na sumesemplang dito, hihintayin pa ba nilang may mamatay?
- Pakiaksyunan naman po ang kalsada sa may barangay Del Rosario sa San Fernando, Pampanga. Sa tapat iyon ng isang factory along McArthur Highway. Palyado kasi ang traffic lights at kamakailan lang ay may isang batang nakaladkad ng 16-wheeler na truck. Maglagay po sana sila kahit footbridge o traffic constable man lang na magmamando sa kalsada. Mapanganib sa mga pedestrian na literal na araw-araw na nakikipagpatintero kay kamatayan.
- Isang concerned citizen po ako rito sa barangay San Miguel sa Baybreeze. Itatanong ko lang kung tama ang ginawa ng barangay at ng developer dito sa village namin. Nagpapadaan po kasi sila ng mga heavy truck sa barangay tapos ay sinisingil nila ng P50.00 kada truck na dumaraan. Nang dahil po sa madalas na pagdaan ng mga truck ay nasisira ang mga kalsada, nabubutas at nagbabaha na po tuwing umuulan, kahit mahina man o malakas ang ulan. Saan po kaya napupunta iyong mga binabayad ng mga dumaraang truck? Hindi po ba dapat sila ang magpagawa ng kalsada?
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Napapanood din sa TV5 sa T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm. At sa Aksyon Weekend news tuwing Sabado, 4:45 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo