Talent fee ng batang aktres, nakalulula – Cristy Fermin


KAHIT KAILAN AY walang sinabi si Willie Revillame na tatakbo siya sa pagka-mayor ng Quezon City. Kahit sa hinagap lang ay hindi niya naisip na kalabanin si Vice-Mayor Herbert Bautista.

Walang nanggaling na anuman kay Willie, si Kris Aquino ang pinag-ugatan ng kuwento, nang sabihin nito na kung tatakbo si Willie sa pagka-mayor ng Kyusi ay susuportahan nito ang aktor-TV host.

Dahil du’n ay nagalit naman kay Kris ang mga tagasuporta ni VM Bistek, ang kanilang balik, boykot naman ang mga ito kay Senador Noynoy sa pagkapangulo.

‘Yun ang ikot ng istorya, hindi kay Willie nanggaling ang kumalat na balita, kundi kay Kris Aquino.

Sa abot ng aming kaalaman, dahil palagi naming nakakausap si Willie, ay malayo sa kanyang bituka ang mundo ng pulitika. Totoong matulungin siya, wala man siyang posisyon sa gobyerno ay bukas ang kanyang palad sa pagtulong sa marami nating kababayan, pero hindi nangangahulugan ‘yun na may pinupuntirya siyang posisyon sa pamahalaan.

[ad#post-ad-box]

Minsan ay may lumapit na political leader kay Willie, ang pasakalye nito sa kanya, “Bakit hindi mo mas palawakin ang tulong na ginagawa mo sa mga kapuspalad? Sa halip na ilang tao lang, bakit hindi mo pa ‘yun mas palakihin?

“Sa Wowowee, may mga binibigyan ka ng bahay, malalaking halaga ang papremyo n’yo. Bakit sa halip na konti lang ang nabibiyayaan, hindi mo pa pasukin ang pulitika?

“Mas marami kang matutulungan ‘pag nasa pulitika ka na, mas marami kang mapapasaya,” sabi sa kanya ng lider-pulitiko.

Pero standard ang sagot ni Willie sa mga ganu’ng pagkakataon, hindi siya tatakbo, ang katuwiran niya ay maaari naman siyang makatulong kahit wala siya sa posisyon.

Isa lang ang malinaw, ayaw niyang pumasok sa mundo ng pulitika, pero paboritong-paborito siya ng mga pulitiko.

Ang mga dahilan kung bakit ay iiwanan na namin sa inyo.

MAY ISANG BATANG aktres na gustong kuning opisyal na tagapag-endorso ng isang tatakbo sa mataas na posisyon ng gobyerno sa darating na halalan. Maganda kasi ang imahe ng young actress, sikat na sikat din siya, kaya gustung-gusto siyang bakuran na ngayon pa lang ng kilalang pulitiko.

Nagkaroon na ng inisyal na pag-uusap ang kinatawan ng pulitiko at ang isang taong malapit sa young actress, nagpi-fishing pa lang ng presyo ang kampo ng pulitiko, pero hindi pa man ay umurong na sila.

Sabi ng isang source na nakausap namin, “Grabe naman pala ang talent fee ni ____(pangalan ng young actress)! Parang binibili mo na siya. Parang sinisingil na nila ang pang-isang taon na kikitain niya sa isang single transaction lang!”

Nalula ang kampo ng pulitiko sa ibinigay na presyo ng panig ng young actress, sobra-sobra ‘yun sa kanilang inaasahan, kahit pa sabihing kapag tinanggap ng young actress ang alok ng pulitiko ay wala na siyang iba pang ieendorso sa darating na kampanya at halalan.

May tatlo pang batang aktres sa kanilang listahan ngayon para gawing boses ng mga kabataan, pare-pareho silang sikat, pero umaasa ang kampo ng pulitiko na sana’y hindi ganu’n kamahal sa unang batang aktres na nakausap nila ang talent fee ng tatlo pa nilang pamimilian.

Kapaniwalaan kasi ng mga artista na malaki ang papel na ginagampanan nila kapag panahon ng eleksiyon, paminsan-minsan lang daw namang mangyari ang ganito, kaya sinasamantala na rin nila ang pagkakataon.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

Previous articleAiza Seguerra, nagpaanak sa kotse – Pilar Mateo
Next articleRosanna Roces, na-censor sa pagbanat kay Bong Revilla! – Morly Alinio

No posts to display