NOONG JULY 26, bumisita si Prime Minister Shinzo Abe ng bansang Japan sa bansa upang makipagpulong kay PNoy para sa ugnayan ng bansang Japan at Pilipinas. Naging malaking bahagi rin ng pagpupulong ang mga isyu ng paninindak ng bansang China sa Pilipinas. Ito ang ibinahagi mismo ni PNoy sa kanyang inilabas na press statement.
Sinabi ng Prime Minister na tayo daw ay “strategic partners in substance” dahil parehong may hinaharap na “territorial disputes” laban sa China. Dapat daw ay maging magkasangga tayo sa mga ganitong isyu na kinakaharap ng Asia-Pacific region.
Nagpagkasunduan na lalong palakasin ang “maritime cooperation” at maglunsad ng programang magdadala ng bagong teknolohiya sa kakayahan ng Pilipinas para mabantayan ang paligid ng karagatang may kinalaman sa “territorial disputes”. Kasabay ng programang ito ay ang mas mainit na pagtaguyod ng relasyon ng Japan at Pilipinas sa politika at ekonomiya.
Nagpasalamat si PNoy, partikular sa tulong ng Japan sa pagpapabuti ng sampung “multi-role response vessels” ng Pilippine Coast Guard at pagbibigay ng mga bagong maritime communication system sa Pilipinas.
ANG PAGPAPALAKAS ng ugnayang Japan at Pilipinas ay dala na rin ng pagpapadala diumano ng maraming pang-militar na sasakyang pandagat ng China sa isang unpopulated Japanese-controlled island sa East China Sea. Ito ay halos kaparehong sigalot ng Pilipinas sa China dahil sa sitwasyon sa West Philippine Sea. Habang sinisindak ng China ang Pilipinas sa mga islang ito, sinisindak din ng China ang Japan sa isyu ng Senkaku Islands.
Nag-uugat ang kampihang ito ng Pilipinas at Japan sa ating kasaysayan. Nabanggit ni Prime Minister Abe ang kanyang paghanga kay Rizal at sa mga prinsipyong pinaniniwalaan nito. Una na rito ang tungkol sa kahalagahan ng mga kabataan at bagong henerasyon.
SA MGA libro ng kasaysayan ay mababakas ang ugnayang Pilipinas at Japan bago paman naging magkaaway noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (WWII).
Ang librong “Minutes of Meetings of the Katipunan” ay talaan at koleksyon ng mga sulat at komunikasyon ng Katipunan. Ipinakikita rito ang isang dokumento na sumulat at nakipag-ugnayan ang mga Katipunero sa Japan upang bumili ng mga armas pandigma at upang maging kaalyado sa gagawing rebolusyon.
Mababasa rin sa mga aklat ang tungkol sa pagbisita ni Don Pio Valezuela sa Dapitan upang hikayatin si Rizal na tumakas at sumapi sa Katipunan. Tumanggi si Rizal, bagkus, nagpayo ito na makipag-ugnayan sa Japan hinggil sa planong rebolusyon dahil kakailanganin nila ng mga armas at kaalyado upang manalo.
ANG PAGIGING matapang ay likas na katangian ng mga Pinoy ngunit sa sitwasyon ngayon ng Pilipinas sa isyu ng West Philippine Sea, hindi masyadong kailangan ng tapang.
Talino at istratehiya ang kailangan natin para sa problemang ito. Tama lang na pagtulungan natin ang China. Hindi man malakas ang ating puwersang militar, malakas naman ang ating mga kaalyado tulad ng Japan at America.
Aminado tayong walang sinabi ang kakayahang pang-militar natin sa China dahil ngayon pa lamang natin pinalalakas ito. Palibhasa ay ninakaw ng mga opisyal ng AFP ang mga pondong inilaan dito ng mga nakaraang administrasyon.
Katulad lang din nito ang nangyari sa pondo ng Katipunan na pambayad sana sa mga armas na binili sa Japan. Hindi na natuloy ang pangalawang pag-angkat at pag-aalyado dahil ninakaw ng ilang opisyal ng Katipunan ang pondo.
Shooting Range
Raffy Tulfo