MISS NIYO NA ba ang tambalan nina Richard Gutierrez at Angel Locsin o ChardGel? Sa mga masyadong bata pa, ito ang panahon para ma-orient ng newer fans kung bakit ‘big deal’ ang muling pagsasama ng dalawa sa ‘La Luna Sangre’ noong 2018.
Sina Richard Gutierrez at Angel Locsin ang maituturing na Fantaserye King and Queen ng Kapuso network noon. Nag-umpisa ang kanilang partnership bilang magka-loveteam sa Mulawin, ang kauna-unahang hit teleserye ng Pilipinas.
Simula noon ay kinagat na ng mga fans ang tambalan nila sa pelikula kahit pa in real-life ay never naging sila. Individually ay nagningning din ang kani-kanilang mga bituin sa iba’t ibang fantaserye projects tulad ng Darna, Majika at Asian Treasures kay Angel Locsin at Kamandag, Captain Barbell, Sugo, Zorro at Lupin kay Richard Gutierrez.
Sa big screen ay nagbida sina Richard at Angel sa Let the Love Begin, I Will Always Love You, Mano Po 3, Mulawin the Movie at The Promise. Natigil ang tambalan ng dalawa nang magdesisyong lumipat sa Kapamilya network si Angel Locsin noong 2007.
Kahit na nasa magkaibang network na ang dalawa, hoping and praying pa rin ang fans nila na sana ay muling magsama ang ChardGel sa isang proyekto na natupad naman sa ‘La Luna Sangre’. S’yempre, bitin ‘yun!
Ngayong Biyernes, May 1 ay magkakaroon ng Special Free Livestream ng pelikulang “I Will Always Love You” sa Facebook page ng Regal Films by 5:30 PM kung saan makakasama rin ng fans virtually sina Richard at Angel. Pagkatapos ng Q & A ay ipapalabas ang pelikula ng 6PM. Ito ay isang fund-raising initiative ng Regal Films at Facebook at ang mga donasyon ay mapupunta sa Covid-Relief Programs nila.
Ang “I Will Always Love You” ay ipinalabas noong 2006 mula sa direksyon ni Mac C. Alejandre. Kuwento ito ng isang mayamang lalaki na maiinlove sa mas simpleng babae. Tutol ang mga magulang ng una dahil gusto nila na ipa-arrange marriage ito sa kapwa nila mayaman (Bianca King). Dahil dito ay magdedesisyon ang magnobyo na makipagsapalaran sa Amerika. Dito na lilitaw ang samu’t saring problema na kinakaharap ng mga magnobyo na ‘you and me against the world’ ang peg.
PAHABOL LANG: Ano na nga ba ang nangyari sa dapat na reunion movie nina Richard Gutierrez at Angel Locsin under Star Cinema?