ESTE, TILA may mali. Tampisaw ay sa tubig ng batis. ‘Di sa init ng tag-araw. Ngunit maliliwanagan ninyo.
Karamihan ng gintong alaala ng aking kabataan ay ang mga buwan ng tag-araw. Summer. Tapos na ang eskuwela. Ba-bye sa pencil at libro, paggising ng maaga, pag-aaral sa gabi, at masungit na Math teachers. Salubong sa mainit na araw, pakwan, melon, halo-halo, tumbang-preso sa gabi at Santacruzan sa Mayo. Mula sa Mindoro, darating ang pinsan kong si Kuya Clemen para magbakasyon sa amin. Walang pagsidlan ng kaligayahan pagsalubong ko sa kanya sa istasyon ng LTB. Yapusan, yakapan. At ako’y kanyang kakargahin na parang sanggol. Isang ‘di maipaliwanag na pagmamahalan at kaligayahan.
Parang nakaukit ang alaala ng nakalipas. Paggising ng umaga, takbo na kami ni Kuya Clemen sa Ilog Banadero – kasama ang mga kaeskuwela at kalaro – upang maligo, mag-ipon ng puting bato at mamitas ng atis at bayabas sa tabi ng ilog. Mapuputol lang ito sa paghangos ng aming lolo upang kami’y pauwiin sa tanghalian.
Sa hapon, takbo sa Cine Avenue, pagkatapos laro ng ilang oras sa plaza habang hinihintay ang pagtunog ng kampana ng orasyon para magmano sa Inay at Tatay.
Sa loob ng 12 tag-araw, ang mga eksenang ito ay paulit-ulit na umiiikot sa buhay namin ni Kuya Clemen. Hanggang dumating ang mapait na panahon kami’y tuluyang nagkahiwalay – at ‘di pa muling nagkita hanggang ngayon.
Sa edad na 68, sarap magtampisaw sa ganitong gintong alaala. Alaalang nagdudulot ng kaibang musika sa kaluluwa at puso. Ngunit mapait at malungkot, kasi ‘di na kailanman babalik.
Nasaan na ang aking Kuya Clemen? Nasaan na mga kalaro ko sa Ilog Banadero? Nasaan na ang gintong kahapong ito? Nagtatampisaw na lang sa tag-araw ng aking alaala. Ng lumbay ng aking pagtanda.
SAMUT-SAMOT
TAKOT. ITO ang primero unong kaaway ng pagtanda. Iba’t ibang uri ng takot ang gumagapos sa aking kaisipan. Takot sa kamatayan. Isang alagad ng simbahan ang tinanong ko. Dapat ba tayong matakot sa kamatayan? Umiling siya habang nakangiti. Hindi. Ang kamatayan ay darating sa gusto mo man o hindi. Araw-araw nagsasanay tayo sa darating na kamatayan. ‘Di ba ‘pag tayo ay natutulog, para na rin tayong patay? ‘Di natin alam kung gigising pa tayo at muling mabubuhay. Mahalagang mabuhay sa kabutihan, pagmamalasakit sa kapwa at bayan at ipaubaya lahat sa Diyos.
2013. SUSUNOD 2016. Taon ng mga eleksyon. Aarangkada na naman ang botante at kandidato. Parang kahapon lang 2010. Mid-way na si Pangulong P-Noy. Umiikot na katanungan: Mas mabuti ba tayo bago mahalal si P-Noy? Lumobo ba o nabawasan ang kahirapan sa panunungkulan ni P-Noy? At the end of the day, kasagutan sa mga ito ang bottomline.
KAGABI MAY naligaw na alitaptap sa aking bakuran. Napatayo ako sa veranda. Panahon pa ng kopong-kopong nang huli akong makakita ng alitaptap. At bakit dito sa maingay at polluted na siyudad. Nagpaligid-ligid sa puno ng banaba. Parang tatlong nagpaparadang lampara. Umiindak sa hangin at dilim. Lumukso ang aking puso. Sumariwa ang aking alaala sa kinagisnan kong bayan. Ngunit isang kislap naglaho na sila. Habang ako’y nagmuni-muni.
MATAGAL KONG kaibigan, si George Manalac ay 76 anyos na. Name it and I have it. Pabiro niyang wika kung tatanungin ang mga karamdaman niya. Emphysema, ulcer, cataract, kidney disease, vertigo, almuranas, congestive heart, alipunga,luslos at iba pa. Meron akong lahat niyan. Araw-araw discomfort at kalbaryo. Ngunit inaalay ko na lang ang mga sakit ko kay Lord. Panalangin ko’y ibawas ang mga sakit na ito sa pagdudusahan ko sa Purgatoryo.
BAKIT NAMAN sobrang low profile si ES Jojo Ochoa? Napakatahimik. Kailangan din siyang magsalita sa mga relevant issues. ‘Wag masyadaong ipagkatiwala sa Press USec na tinaguriang Lady Gaga. Mahusay ang performance ni Spokesperson Edwin Lacierda. Aba, tila nawawala na si kukurukuko Coloma. Ano na nangyari sa privatization ng Channels 9 at 13? Ningas-kugon. ‘Yan dapat ibansag kay Coloma. Pweh!
EXERCISE. DIET. Meditation. Mga susi ng kalusugan sa pagtanda. Threadmill ako 20 minutes araw-araw. Inom ng mga prescribed na mga gamot. Diet. Kalimita’y problema, ‘di maiwasang mandaya sa bawal na pagkain ng matataba, matatamis at maaalat. Kaya ‘pag check-up ng cholesterol, uric acid at bun, kalimita’y mataas. Ay, mahirap na kalaban ang diabetes. Isang death sentence habang nabubuhay.
MAGDADALAGITA NA ang apo kong si Astrud Daniela. Napakadaling mag-mature. Give me 5 na lang, bihira na ang kisses. Napakaganda at napakabait na bata. Masipag mag-aral. Laging kinukulit ang kanyang lola sa Spanish lessons. Kagaya ng panganay niyang kapatid si Anton, 16 anyos na. ‘Di na puwedeng baby talk. Computer talk na lang. Expert siya sa computer. Bakit ‘di maipaliwanag na kaligayahan mga apo.
MAHIRAP DING maging mamamahayag. Minsan nauubusan ako ng paksa. Malimit ding problema ang mood. Walang maglaro sa utak. Ayaw umandar ang imagination. Kanya-kanyang talento ang ipinamahagi ng Diyos sa isa’t isa sa atin. Kailangan gamitin sa wasto, sa God’s glory at kapakanan ng kapwa. Kung hindi, mananagot tayo sa araw ng paghuhukom. Sigurado darating ang araw na ‘yan.
KAGABI NASA wake ako ng yumao kong kaibigang Jose Vinas, Jr. Pumanaw sa 83 anyos. Biktima ng dialysis at pneumonia. Matagal na siyang bedridden. Ang kalungkutan ko, ‘di ko man lang siyang nadalaw kahit minsan. Napakabait at maaalahaning nilalang si Jun. Nu’ng malakas pa siya, tuwing Sabado nagkukuwentuhan kami sa bahay ng kanyang sister-in-law, si Fely. Isa ring mabait na nilalang. Dati siyang customs broker at naninirahan sa Valle Verde. Parang may napilas sa aking puso ang kanyang pagyao. ‘Di mawaglit sa aking isip ang kanyang maamong mukha at malumanay na tinig. Ang kanyang brother-in-law, si Toti, ay matalik ko ring kaibigan. ‘Di lalampas ang isang araw na gusto kong makipagkuwentuhan sa kanya. Mga pambihirang nilalang.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez