BANGGITIN MO ANG pangalang Aga Muhlach. Samu’t saring larawan ang tiyak na maglalaro sa iyong isipan. Sino ba naman ang hindi nakakikilala sa isa sa mga pinakamahusay na aktor sa local showbiz?
Unang nakatawag ng pansin sa publiko ang simpatikong hitsura ni Aga. Nakakakilig, ‘ika nga, lalo na nu’ng mga panahong teenager pa siya. Nagsimula si Aga sa mga pelikulang produced ng D’Wonder Films na film outfit ng pinsan niyang tinaguariang ‘child wonder’ nu’ng dekada 70’s na si Niño Muhlach. Pero sa teen flick na Bagets noong 1983 pumaimbulog nang husto ang career ni Aga. Nasundan pa ‘yon ng ibang teeny-bopper movies, at sa Super Wan Tu Tri noong 1986 sila nagkasama ni Janice de Belen. Nabuo ang isang relasyon sa pagitan ng dalawa at nagkaanak sila, si Angelo Luigi Miguel.
Higit sa kanyang kaguwapuhan, nakitaan din ng husay sa pagganap si Aga. Taong 1984, sa pelikulang Miguelito: Ang Batang Rebelde napansin ng mga kritiko ang galing niya sa pagganap bilang isang rebeldeng teenager. Sa pelikula ring ito niya nakamit ang mga nominasyon bilang Best Supporting Actor sa FAMAS at Best Actor mula sa Gawad Urian. Pero sa pelikulang Napakasakit, Kuya Eddie noong 1987 niya nakamit ang kauna-unahang tropeo sa Gawad Urian bilang Best Supporting Actor.
Ariel Aquino Muhlach ang tunay na pangalan ni Aga. Anak siya ng direktor na si Cheng Muhlach at ni Anita Aquino. May dalawang kapatid na babae, sina Arlene at Almira, at isang lalaki, si Albert. Bukod kay Niño, pinsan din ni Aga si Liezel Martinez, asawa ng aktor na si Albert Martinez at anak ng veteran actress na si Amalia Fuentes.
Taong 2001 nang ikasal si Aga kay Charlene Gonzales. Biniyayaan sila ng kambal na anak, sina Atasha Aaron at Antonio Andres. Nagkaroon din ang aktor ng romantic involvement sa Miss Universe na si Dayanara Torres. At minsan ding na-link si Aga kay Pops Fernandez, ex-wife ng Pinoy balladeer na si Martin Nievera.
Alam n’yo ba na si Aga ay isa sa mga highest paid actors at endorsers sa kasalukuyan? Ang aktor ang pinakamatagal nang endorser ng fastfood chain na Jollibee.
Hindi rin nabakante si Aga sa paglabas sa TV. Nakilala ang character niyang si Doc Aga sa sitcom na Oki, Doki, Dok sa ABS-CBN.
Hanggang ngayon, one of the most sought-after leading actors si Aga. At sa kabila ng kanyang kasikatan, naging tahimik naman ang kanyang pribadong buhay. Sa kasalukuyan, abala si Aga sa muling pagsasama nila ni Regine Velasquez sa isang pelikula.