‘Bad Boy of Philippine Cinema’ – paano ba nabigyan ng ganyang titulo ang action superstar na si Robin Padilla? Maaaring pagbasehan ang pagiging notorious niya on- and off-screen ayon sa mga naisulat tungkol sa kanya. O, dahil sa mga pelikulang Anak ni Baby Ama, Bad Boy, Grease Gun Gang, at marami pang iba kaya nagkaroon siya ng ‘bad boy’ image.
Isa sa may pinakamakulay na personalidad si Robin sa mundo ng showbiz. Sino ba ang makalilimot sa pagkakakulong niya ng ilang taon dahil sa kasong illegal possession of firearms? Isang kaganapan sa buhay ng action star na lalong nagpatingkad sa kanyang imahe. Aminado rin si Robin na gumamit siya ng droga. Kinumpulan din siya ng napakaraming kontrobersiya noong kasagsagan ng kanyang kasikatan. Pero lahat nang ‘yan ay nakaraan na sa buhay ni Robin.
Nang lumaya siya noong 1998, ipinakita niya sa kanyang mga tagahanga na ‘changed man’ na siya. Kasabay ng kanyang pagbabago, nagpa-convert na rin siya sa relihiyong Islam, kung saan ang pangalan niya ay ‘Abdul Aziz.’
Hindi na nabakante sa iba’t ibang projects si Robin sa telebisyon at pelikula. Ipinamalas na rin niya ang kanyang versatility sa iba’t ibang genre ng pelikula. Gumawa siya ng comedy, musical at horror. Si Robin ang kauna-unahang action star na nagbida sa isang TV drama series, ang Basta’t Kasama Kita, kung saan nakatambal niya si Judy Ann Santos.
Presently nakakontrata na siya sa ABS-CBN. Tatlo na ang nagawa niyang TV series sa GMA-7, ang Asian Treasures, Joaquin Bordado at Totoy Bato, na pawang top-rating lahat.
Kahit na maraming magagandang babae sa showbiz ang na-link kay Robin, nanatiling buo ang pagsasama nila ng asawang si Liezl. Eighteen years na silang nagsasama at may apat silang anak – sina Ali, Queenie, Kylie at Zhen-Zhen.
Hindi lang sa showbiz natuon ang pansin ni Robin, patuloy ang kanyang pagtulong sa kanyang mga kapatid na Muslim. Nagpatayo siya ng isang libreng pre-school sa Quezon City para sa kanila. Nangalap din siya ng isang milyong piso para sa isang sementeryo sa Bulacan. Naging kaagapay rin siya ng pamahalaan sa peace talks nito sa mga rebelde sa Mindanao.
Ngayon, burado na ang ‘bad boy image’ ni Robin. Matagal na niyang tinalikuran ‘yon at pinatunayang ang lahat ng pagkakamali ay puwedeng muling maituwid.
By Erik Borromeo