ISANG MALAKING kapalpakan na nagawa ni Commissioner Bert Lina simula nang siya’y maupo sa Bureau of Customs (BOC) ay ang bigyan niya ng kapangyarihan ang Task Force Pantalan (TFP) na manghuli ng mga kargamento.
Ang Task Force Pantalan ay binuo noon para maging sagot sa port congestion sa mga pier sa Maynila. Ang kanilang mandato ay siguraduhin na maayos ang pagpasok at paglabas sa pier ng mga container van nang walang alintana.
Ang siste, ito na ngayon ang nagiging sanhi ng sakit sa ulo ng mga importer at broker sa Port of Manila (POM) at Manila International Container Port (MICP). Hindi makalalabas ng pier ang mga container van na may lamang mga kargamento nang hindi nagbibigay ng tong para sa TFP, ayon sa isang mapagkakatiwalaang source na isang opisyal mismo ng BOC.
BAGO NAPUNTA sa TFP ang hepe nito na si Chief Superintendent Edgardo Ladao, siya ay naging kontrobersyal. Dating Regional Director ng Region 3 si Ladao at nasibak sa puwesto dahil sa paglaganap ng lahat ng uri ng mga pasugalan doon nang siya ay maupo.
Matatandaan na minsan nang ipinahiya ni DILG Secretary Mar Roxas ang opisyal na ito sa harap ng maraming tao dahil sa pagtalamak ng jueteng sa kanyang rehiyon at wala siyang ginawa para mapatigil ito.
Hindi gaya ni Roxas na hindi pumapayag na lokohin siya ng kanyang mga tao, si Secretary to the Cabinet Jose Rene Almendras ang pangkalahatang pinuno ng TFP ay mukhang madaling utuin.
ANG MGA impormasyon na ibinabato kay Almendras ng kanyang mga tauhan sa TFP na pawang mga taga-PNP ay agad niyang pinaniniwalaan. Ito marahil ay sapagkat mangmang siya sa mga pag-uugali ng mga tiwaling pulis pagdating sa paggawa-gawa ng mga ito ng magagandang kuwento para magkapera.
Ang mga nagrereport ng mga taga-TFP kay Almendras na may mga nangongotong daw sa mga truck na pumapasok sa pier ay lingid sa kaalaman ni Almendras, ang mismong mga kotongero. Pero ang mga perang nakokotong dito ay barya-barya lang gaya ng sa mga saklaan, peryahan, jueteng, etc.
Ngunit ngayon na binigyan na ang TFP ni Lina ng kapangyarihan na manghuli ng mga kargamento, parang binigyan na rin niya ang ilan sa mga miyembro nito ng pahintulot na mangotong ng bultu-bultong pera. Isang alyas “Jhong” at “Dimaano” na pawang mga pulis ang sinasabi ng source na mga umano’y kolektor ng TFP at naniningil ng P4,000.00 bawat container para ito ay hindi hulihin a.k.a. harasin. Tinatayang aabot sa 1,000 container kada araw ang lumalabas sa POM at MICP.
PAGKAUPO NI Lina, maraming mga kawani ng BOC ang mga natanggal sa puwesto. Nagsagawa rin si Lina ng reshuffle dahil gusto raw niyang ilagay sa ayos ang takbo sa bureau.
Pero kung sa akala ni Commissioner Lina na ang pagtanggal niya sa mga pinaniniwalaan niyang tiwaling kawani ng BOC nang siya’y maupo ay animo’y natanggalan siya ng martilyo na pamukpok sa ulo, malaki ang pagkakamali niya.
Ngayon, kumuha siya ng maso na pampukpok sa kanyang sentido dahil sa mga kalokohan na ginagawa ng ilang mga miyembro ng TFP.
ANG MGA kargamento na lumalabas sa mga pier na hindi nakapagbigay ng tara ay agad na pinapara ng mga taga-TFP ang container van na may dala nito. Ang idinadahilan nila sa pagpapahinto sa container van ay sapagkat mayroon daw silang natanggap kuno na impormasyon na ito ay naglalaman ng mga iligal na kontrabando tulad ng baril, drugs, etc. At kailangan daw nilang mainspeksyon ang laman ng container van.
Matatadtad sa abala ang kargamento. Walang magawa ang may-ari ng shipment kundi ang makipagtawaran na lamang sa mga nanghaharas para mapakawalan na ang kanyang truck.
ANG ISTILONG ito ng taga-TFP ay parehong-pareho sa istilo ng Oplan Sita na ipinaiiral ngayon ng mga tiwaling miyembro ng ating kapulisan sa iba’t ibang parte ng Kamaynilaan at karatig probinsya.
Sa Oplan Sita, paparahin ng mga pulis sa isang checkpoint ang mga nagmamaneho ng motorsiklo para mangharang daw ng mga masasamang loob. Pagsasabihan nila ang kanilang mga target na biktima na naghahanap sila ng droga at baril kaya kailangan silang makapkapan at mainspeksyon ang motor pati na ang papel nito.
Kapag minalas-malas pa ang biktima, dadalhin ito sa presinto para roon ituloy ang pag-iimbestiga kuno sapagkat may nakita raw silang problema sa dokumento ng motor. Ang ending ay kailangang sumuka ng pera ang biktima para siya ay mapakawalan na.
ANG PAGBIBIGAY ng pahintulot ni Commissioner Lina sa TFP na mang-alert ng kargamento ay sampal sa Intelligence Group (IG) at Enforcement and Security Services (ESS) ng BOC. Ang IG ang may sakop sa lahat ng intelligence operatives ng bureau samantalang ang ESS ang siyang nakasasakop naman sa customs police.
Parang pinalalabas ngayon ni Lina na wala siyang bilib sa kakayahan ng kanyang IG at ESS na i-operate ang mga smuggler sa pier. Kung gayon, nais kong paalalahanan muli si Lina na si Ladao, ang hepe ng TFP ay nasibak sa Region 3 bilang PNP Director nito, dahil hindi niya napatigil ang mga pasugalan doon, bagkus, lumala pa ito.
Nais ko ring paalalahanan si Commissioner Lina na ang salitang “hulidap” ay naimbento sa bokabularyo ng mga Pilipino dahil sa pambibiktima ng mga tiwaling pulis sa kanilang mga hinuhuli – gaya ng pagnakawan o dili kaya ay kikikilan nila ang mga ito.
Nais ko ring idagdag na paalala kay Commissioner Lina na ang Chief Intelligence ng TFP na si Superintendent Villamor Tuliao ay dating naging kontrobersyal nang siya ay naging hepe ng District Intelligence Division ng Manila Police District dahil sa kaliwa’t kanang reklamong pang-aabuso na nakarating kay Mayor Joseph Estrada.
ANG TANONG, nagsagawa ba ng background investigation si Secretary Almendras para sa pagkatao ng mga opisyal na nagpapatakbo ngayon sa TFP bago niya sila itinalaga rito? Ang sagot ay malamang hindi, sapagkat si Almendras ay kilala bilang isang maprinsipyong tao.
Si Almendras at si Pangulong Noynoy ay magkapareho ang pagkatao – hindi korap, pero madaling bilugin ang ulo.
Hindi ako magtataka kung isang araw ay ipagtatanggol din ni Almendras ang mga katiwalian na kinasasangkutan ng kanyang mga tauhan sa TFP kahit na patung-patong na ang ebidensya laban sa kanila. May ganitong katangian din kasi si PNoy. Palagi niyang ipinagtatanggol ang mga pumapalpak niyang tauhan at paminsan-minsan nagsisilbi, pa siyang spokesperson ng mga ito sa halip na dapat ay kabaligtaran.
May ilan na magsasabing ito ay ugali ng isang mabait na tao na hindi marunong magduda sa kapwa, at may ilan din na magsasabing ugali ito ng isang lider na mapagmahal sa kanyang mga tauhan. Pero marami ring magsasabi na ito ay ugali ng isang taong saksakan ng pagkatanga!
Shooting Range
Raffy Tulfo