HINDI NA matapus-tapos ang kalbaryo ng mga magulang ng mga estudyante sa public elementary at high school. Hindi pa nga nabibigyang-solusyon ang matagal at talamak nang problema sa mga paghihingi ng kontribusyon sa mga mag-aaral ng mga eskuwelahang ito para sa kung anu-anong school projects, may bago na namang sakit sa ulo ang mga estudyante rito.
At ito ay ang sapilitang pagbebenta ng sopas o lugaw sa mga estudyante mula sa school canteen. Mas malupit at sagad sa pagkagarapal ang modus na ito ng pangingikil sa mga mag-aaral kaysa sa modus na paghingi ng voluntary contribution kuno para sa mga school project na kapag ‘di nagbigay ang estudyante, hindi niya makukuha ang kanyang class card.
Sa modus ng sapilitang pagbebenta ng sopas o lugaw, kapag walang pambili ang isang estudyante, patatayuin siya ng guro sa harap ng klase at pahihiyain. Sa ilang pagkakataon, hinuhubaran pa nga ang walang dalang baon na estudyante at kinakalkal ang kanyang bulsa’t bag para hanapin ang mga barya na maaaring naitago rito.
May ibang guro naman na inuutusan ang walang perang estudyante na manghingi ng pera sa kanyang kaeskuwela o dili kaya ay inuutusang manlimos sa mga tao sa kalye para may pambili lang sa ibinebentang sopas o lugaw sa canteen.
ANG MALAKING tanong, bakit nagagawa ng mga guro ang karumal-dumal na gawaing ito sa kanilang mga inosenteng pobreng mag-aaral? Dahil ba sila ay wala na sa katinuan ng pag-iisip? At bakit naman sila ay nasisiraan na ng ulo? Dahil ba sa bukod sa maliit na nga ang kanilang suweldo kadalasan ay nag-aabono pa sila para sa mga pangangailangan ng kanilang classroom at eskuwelahan? At ito ba ay dahil kinukurakot ng ilang mga kawatan sa Department of Education (DepEd) ang budget na dapat sana ay para sa kanilang paaralan?
Kung tutuusin ang pinakaugat talaga ng problema sa dinaranas na kalbaryo ng mga magulang ng mga estudyante sa public elementary at high school ay ang kurapsyon. Gumagawa lang ng remedyo ang mga principal at guro para punuan ang kakulangan sa budget na kanilang natatanggap mula sa DepEd para sa kanilang eskuwelahan – nagkulang dahil kinupit sa “itaas”.
Ang siste nga lang, double jeopardy ang nangyayari sa ginagawang pagreremedyong ito ng mga tusong principal at guro. Bukod kasi sa kinotongan na nila ang mga estudyante para sa sinasabi nilang panggastos sa kung anu-anong school projects, kikikilan pa nila ang mga ito para naman sa mga tinitinda sa kanilang canteen.
Pero nais kong linawin na hindi lahat ng public elementary at high school ay nasasangkot sa ganitong tiwaling gawain.
NGUNIT HINDI lang sa pangingikil at pagpapahiya sa mga estudyante ang kalbaryong maaaring kahaharapin ng mga magulang na may mga mag-aaral sa nasabing mga eskuwelahan. Ang isang malagim na pangyayari na puwedeng maranasan ng isang magulang paggising niya isang araw ay ang mabalitaan na lang na ang kanyang anak ay pinagpapalo, minolestya o ginahasa ng guro.
Makailang beses na rin akong nakatanggap ng sumbong mula sa mga magulang na ang kanilang mga anak ay naging biktima ng malagim na pangyayaring ito – ang kanilang mga anak na nag-aaral sa public elementary at high school. Bakit ba nagkakaroon ng ganitong klaseng mga problema sa ating public school system at hindi natutuldukan ng pamunuan ng DepEd, bagkus patuloy pa ngang namamayagpag ang mga problemang ito?
Ito ba ay dahil tanga, bobo o inutil ang mga taong nagpapatakbo ng DepEd?
Shooting Range
Raffy Tulfo