KASALUKUYAN pa ring nasa National Bureau of Investigation (NBI) detention center si Vhong Navarro matapos sumuko dahil sa magkasunod na paglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ng dalawang korte ng Taguig City noong September 19, 2022.
Unang inisyu ang warrant of arrest mula sa Metropolitan Trial Court, Branch 116 para sa reklamong acts of lasciviousness na isinampa ni Deniece Cornejo. Sumunod naman dito ang warrant of arrest mula sa Taguig Regional Trial Court Branch 69 para sa kasong rape na isinampa pa rin ni Deniece.
Nagpiyansa ng P36,000 ang Kapamilya star para sa kasong acts of lasciviousness pero ikinulong pa rin siya sa NBI detention center dahil non-bailable ang kasong rape.
Nagbigay naman ng pahayag ang asawa ni Vhong na si Tanya Bautista-Navarro kaugnay sa pinagdaanan ngayon ng It’s Showtime host.
Ani Tanya, “It was the longest two days of our lives. I was referring to the back-to-back warrants of arrest.”
Sinabi rin ni Tanya na hindi niya alam kung ano ang kanyang gagawin lalo pa’t sorpresa umano ang ginawang pag-atake sa kanila at hindi niya alam kung ano ang gagawin na tila ba wala silang kalaban-laban.
“I would describe it as rollercoaster. Andun na kami sa point na patapos na pero hindi ko alam paano nila patutunayan itong mga sinasabi nila. It was reversed,” sabi pa niya.
“This time iba ang ‘yung bagsak ng mga balita. You were being attacked na hindi ka prepared. Wala kang weapon, wala kang gear to protect yourself. Parang ganun ang pakiramdam ko,” dagdag pa niya.
Ang susunod naman umano nilang gagawin na hakbang ang magpetisyon ng bail dahil naibigay na nila ang lahat ng ebidenya.
Naguguluhan rin umano si Tanya dahil hindi niya alam kung ano ang nakikita nilang probable cause lalo pa’t hindi naman umano lumihis si Vhong sa kanyang kwento mula simula hanggang dulo.
“Vhong was very consistent since Day 1. He confessed everything to me. So hindi ko alam kung ano ang nakikita nilang probable cause,” wika pa niya.
Inamin din ni Tanya nito na nakakaramdam siya ng takot para sa komedyante at TV host dahil sa posibilidad na mailipat ito sa Taguig City Jail.
“That’s very scary. Threat ‘yun sa buhay niya. I think our lawyers also filed a motion para hindi na umabot doon. Ako right now, ang worry ko is security for Vhong. So lalaban kami at alam ko na ipapanalo namin ito,” pag-asam ng misis ni Vhong.
Nagpasalamat naman si Tanya sa mga taong sumusuporta kay Vhong lalo pa’t pinipili niyang hindi tingnan ang mga komento ng mga ito sa social media.
“Thank you but I don’t read. Hindi ako ganun ka strong. Hindi rin naman lahat naniniwala kay Vhong. So I’d rather not read. So yung mga friends namin nagpapadala ng mga screenshots.
“Hindi ako pumasok sa commitment sa kanya for nothing. Noong nangyari ito, magboyfriend, girlfriend pa lamang kami. Nakita ko kung gaano siya nagsasabi ng totoo kaya pinakasalan ko pa rin siya,” sambit niya.
Naniniwala naman si Tanya na may mga tao sa likod ng nangyayari sa kanyang asawa.
“We have an idea the people behind this smear campaign pero hindi ko naman masasabi. Suddenly we were being attacked. Wala kaming kalaban laban,” pahayag pa niya.