IPE ANG kanyang ngalan. Isang 15-taong gulang na binatilyo, payat, ubo nang ubo at luwa ang mata na ang tahanan ay isang kariton. Sa tapat ng isang kapiterya sa Pasig City, doon siya nakaparada ‘pag umaga. ‘Pag hapon, ‘di ko na alam kung saan.
Masayang ngiti ang salubong niya sa akin tuwing umaga. Kasabay ang pagturo kung saan puwedeng magparada. Susuklian ko ito ng ngiti rin sabay abot ng kung ano mang barya sa aking bulsa. At habang ako’y nagkakape, tanaw ko ang pagbabantay niya sa aking kotse.
Isa lang si Ipe sa iba’t ibang tao umiikot araw-araw sa aking buhay maghapon. Nariyan si Aling Nene, tindera ng banana cue sa tapat ng aking munting PR opis sa Makati. Salubong din niya’y isang masayang ngiti sabay tanong kung kumusta ako. Pagsapit ng alas kwatro walang paltos na 2 banana cue sticks ang inaakyat niya sa opis.
Ipinasiya kong isulat si Ipe kasi nagtataka ako kung bakit laman siya ng aking panaginip nakaraang mga gabi. Paulit-ulit na panaginip na pagkikita namin sa tabi ng isang malaking pampang na may naghuhumiyaw na mga dambuhalang alon. Humihiyaw siya. Humahagulgol habang ako’y parang tuod na nakatingin sa kanya.
Ang kahulugan ng panaginip, ‘di mahuli ng a-king pag-iisip.
Nakaraang umaga, si Ipe at kanyang kariton ay naro’n muli sa tapat ng kapiterya. Ngunit ang labis kong ipinagtaka, ‘di siya sumalubong o ngumiti. Matamlay. Tila may malubhang dinaramdam. Tinangka kong kausapin subalit dagliang tumalikod. ‘Di ko binigyan ng pahalaga ang inasal niya.
Kahapon, ‘di ko na nakita si Ipe at ang kanyang kariton. Medyo nabagabag ako at nagtanong. Walang nakaaalam sa kinaroroonan niya. May ‘di maipaliwanag na kalungkutan ang biglang bumalot sa akin.
Nasaan na si Ipe at kanyang kariton? At ano ang kahulugan ng panaginip?
SAMUT-SAMOT
WALANG KALUTASANG natatanaw sa lumulubhang civil war sa Syria. Daan-daan na ang namamatay. Bakit inutil ang U.N. sa suliranin? At ang Amerika at kanyang kaalyado bakit inutil din? Sa ating panahon, wala nang puwang dapat ang mga diktador kagaya sa Syria. Kaugnay nito, may tangka ang kampo ni Mrs. Imelda Marcos na ibahin ang mga pangyayari nu’ng martial law. Ngayon ay pina-justify nila ang pagdeklara nito. Ngayon ay namamayagpag na muli sa kapangyarihan ang mga nagpasimuno ng martial law.
ANG KILALANG abogado Atty. Ferdie Topacio ay nasa gitna ngayon ng isang mainit na kontrobersiya. Tungkol ito sa isang starlet Bea Benene na nag-akusa ng diumano’y child molestation sa abogado. Halata na ito’y gawa-paratang at handa itong pabulaanan sa korte ni Topacio. Hinala ay niluto ito ng isang DZBB announcer na may amorous intentions kay Bea. Kaibigan kong malapit si Topacio at kailanman ‘di niya maaaring gawin ang bintang. Maaaring pakana rin ito ng marami niyang lihim na kaaway. Payo ko kay Topacio, ipaliwanag agad ang kanyang panig na kapani-paniwala. Sagot ko si Ferdie.
MAKABUBUTI NA ma-aprub ang bill na nag-aatas na hatiin ang Camarines Sur. ‘Di ito lulusot sa isang plebiscite ng Comelec. Ilalampaso ng “no” votes ang mga nagpanukala na walang mithiin kundi manatili sa kapangyarihan. Sa ilalim ni Gov. L-Ray Vilafuerte, umasenso ang ekonomiya ng CamSur at naging no. 1 tourist destination sa bansa. ‘Di natin maisip kung bakit hinaharang ng mga baliw na tradpols ang pag-unlad ng lalawigan.
SI LOU Veloso, isang 3rd rate comedian, ang napi-ling katambal ni Mayor Fred Lim sa kanyang pagtakbo ng re-eleksyon. Maraming nagtaas ng kilay. Wika nila “scrapping from the bottom of a barrel” si Lim. Halos iwasan siya ng mga kongresista, konsehal at barangay captain sa lungsod. Recent surveys show na ang Erap-Isko team is ahead by a formidable lead. Mga Manileño, nakikita ang pag-asa kay Erap sa paghango sa pagkalubog ng lungsod.
NAPABALITA NA ang dalawang sikat na magka-patid – James at Philip Younghusband – ay maaaring alisin na sa Azkals team. Ayon sa sources ang dahilan ay marami raw economic and non-economic demands sa kanilang pananatili sa koponan. Maaari ring pumasok na sa kanilang ulo ang pagkasikat at katanyagan. Kung totoo, malaking dagok ito sa koponan. Ang dalawa ang heart at soul ng Azkals at matatagalan bago ang bansa ay makapagsanay ng kagaya nila. Sana’y pag-usapan ng mga sangkot ang gusot na ito. Mayroon pang solusyon.
ANG PAGTATALAGA kay Sec. Mar Roxas sa iba’t ibang matataas na posisyon ay nagbabadya ng kanyang balak sa 2016. Maaaring magkaroon sila ng return bout ni VP Jojo Binay sa pagka-pangulo. Ngayon pa man, panay na ang ikot ni Binay. At ang kanyang survey ratings ay pataas pa nang pataas. Ano ang sikreto ni Binay. Politically wise at smart siya. Alam niyang tumutok sa mga isyu at sumagot sa mga ito. Makabubuti na makatambal niya si Sen. Jinggoy Estrada. Unbeatable ang dalawa. Samantala si Sen. Chiz Escudero ay tila magbabalak din. At nangangarap.
ENVIRONMENTAL PROTECTION ang pinagkakaabalahan ngayon ng buong mundo. Tila ‘di pa man huli na mapag-isipan natin ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan. Baha, lindol at iba pang kalamidad ang nangyayari sa buong mundo. Sa bagay na ito, dapat magkusa ang mga bansa. O lahat tayo at susunod na henerasyon ay magiging biktima ng ating kapabayaan.
MAKABUBUTI NA iwasan ng kampo ni Erap ang makipag-mudslinging kay Mayor Fred Lim sa ma-yoralty campaign susunod na taon. Ang kabulukan at corruption sa siyudad sa ilalim ni Lim ay sapat nang valid issues laban sa kanya. Dapat ituon ni Erap ang plano niya sa urban renewal, papaano ibabalik ang progreso at kadakilaan ng Maynila. Nanaisin ni Lim na patulan ni Erap ang mudslinging para maligaw ang pananaw ng mamamayan.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez