Taong-Grasa

DANIEL ANG kanyang pa-ngalan. Edad 35, payat, ubo nang ubo at nakaluwa ang mga mata. Du’n sa tapat ng Christ the King Parish sa Q.C. ko siya nakikita ‘pag ako’y nagsisimba. Minsan tinangka ko siyang abutan ng pera. Tumingin lang siya, ngumiti at tumalikod. Kinabukasan binigyan ko siya ng ‘sang supot na pandesal. Dali-dali niyang kinuha ito at tumawa.

Kalimitan nakikita kong siya’y pinagtatabuyan ng guwardiya. Minsan naman hinahabol at binabato siya ng ilang bata. Araw at ulan ang tahanan niya ay munting sulok na ‘yon. ‘Di ko alam kung bakit sa aking pagtulog naiisip ko siya. At ako’y nababalisa.

Wari ko’y si Daniel ay isa sa mga taong-grasa na lumalaboy-laboy at naninirahan sa lansangan ng Kamaynilaan. Pinabayaan, sinuka, pinagtatabuyan ng lipunan. Dalawang taong-grasa pa ang namataan ko sa tapat ng Supreme Court, Padre Faura, Manila. Babae at lalaki. ‘Di ko matiyak ang edad. Kagaya ni Daniel, walang pumapansin, iniiwasan.

Sa kalamigan ng madaling-araw kahapon, naisip ko muli si Daniel. May kumot at banig kaya siya? Kumain na kaya siya? Ako’y nanghilakbot nu’ng narinig ko ang dagundong ng biglang ulan. Papaano na kaya si Daniel at ‘yong dalawa pang taong-grasa sa Padre Faura?

Ginala ng mga mata ko ang aking air-conditioned room na napapaligiran ng imported na kurtina. Ang dalawa pang mamahaling kama, dalawang TV at isang refrigerator. May tila balaraw na tumarak sa aking kunsensiya. May poot at galit na tila bilanggong nagpipilit tumakas sa aking dibdib.

Kinabukasan ng umaga, agad-agad kong pinuntahan si Daniel. Sabi ng guwardiya, dalawang araw nang wala ang taong-grasa. Umikot ang aking pag-iisip. May sumikip sa aking dibdib. Sa aking buong katauhan, may naghihimagsik.

Sa loob ng simbahan, may misa. Narinig ko ang tinig ng matandang pari: “Mahalin ang kapwa.”

Saan na si Daniel? Naroon pa kaya ang dalawa pang taong-grasa sa Padre Faura? Diyos ko, bakit ako naghihinagpis?

 

SAMUT-SAMOT

 

PAMINSAN-MINSAN SUMASAGI pa rin sa aking isip ang paglalakbay abroad. Huling biyahe ko ay 2002 sa U.S. Isang dekada na ang nakalipas. Sa totoo, kaya ako tinatamad ay ‘di ko na kaya ang 8-12 oras sa eroplano, magbitbit ng bagahe at maghintay nang matagal sa immigration clearance. Bukod dito, naglaboy na ako halos sa buong mundo. Panahon ni dating VP Doy Laurel at Pangulong Erap. Official trips, lakad, kaya taxpayers ang gumastos. Ngunit tila nasasapian muli ako ng travel itch.

GUSTO KO kasing lumanghap ng panibagong amoy ng hangin at makarating sa isang civilization na malinis, enforced ang law at order at may sistema ang buhay: Kaaya-ayang mamasyal sa East Coast lalo na ‘yong old west frontiers na hanggang ngayon ay preserved pa. Masarap mamitas ng mansanas at ubas sa California. O pakinggan ang dagundong ng tubig sa Niagara Falls. Hinahanap-hanap ko mga karanasang ito. Sawa na ako sa ingay, pollution at awayan sa ‘Pinas. Subalit tourist lang ako.

NU’NG 2002, sinauli ko sa U.S. Embassy ang aking green card. Nagkamot ng ulo ang embassy officer. Nabasa ko sa isip niya ang tanong: Pambihirang Pinoy ito, ‘yong iba nagpapakamatay makakuha ng green card. Ito nagsasauli. Bakit kaya? Maraming dahilan.

LAPASTANGAN TAYO sa ating mga historical landmarks! Tingnan ang nangyari sa Jai-Alai Bldg. sa Taft Ave. at Paco Train Station. Ginuho, iniwang nakatiwang-wang at ngayo’y naging kubeta at tapunan na lang ng basura. Anong klaseng lahi tayo na ‘di nagmamahal sa ating historical institutions? Balita, binabalak ga-wing hotel ang Central Post Office sa Lawton. Pesteng yawa. Tingnan nangyari sa Manila Hotel. Naging mistulang Chinatown na ang hitsura at ngayo’y nilalangaw na sa parokyano.

6.4 % GROWTH rate? Anong ibig sabihin nito sa tiyan ng masa? Ni kapiranggot walang maramdaman ang kumakalam na sikmura dahil sa gutom ng milyung-milyong dukha. Tama na ang propaganda, Mr. P-Noy. Ibaling mo na lang ang iyong pansin sa pagpapalago ng ating ekonomiya. Tama na ang junket at iba pang walang katuturang ginagawa mo.

PAYAG AKO sa patuloy na pag-uusig kay ousted CJ Renato Corona. By all means, BIR at Ombudsman must investigate and file charges against him if warranted. Walang dapat piliin ang batas. Ituloy pa rin ang cleansing sa judiciary. Marami pang corrupt fiscals and judges. Bigyan ng pag-asa ang mga poor litigants. Let not justice in our country be only for the rich.

LUMALAKLAK BA ng San Miguel Beer si Kris Aquino? Kung hindi, bakit siya ang endorser ng nasabing beer? ‘Di ba ito’y harapang panloloko? Nasan ang tinaguriang truth in advertising?

KAGABI SA Metrowalk Ortigas, isang grupo ng teenagers ang nag-iinuman sa isang barbecue resto. Karamihan, mga babae. ‘Di lang nag-iinuman. Yosi pa. Bakit sila pinapayagan ng mga magulang?

EXPECT HEAVY floods again this rainy season. Esteros have not been unclogged and road repairs started in summer have not been completed. Ganyan ang ugaling Pinoy. Walang sense of preparedness. Nasan na ang mga sinimulang earthquake at fire drills sa mga eskuwela at business establishments? ‘Pag wala na sa dyaryo, stop na. No wonder we are this kind of nation. Miserable and poor. Nilalait at inaapi ng ibang bansa. Sinong maysala?

OVER SURPLUS na ang bansa ng mga nurses. At wala na rin silang job opportunities abroad. Over surplus na rin tayo ng mga abogado. Let’s encourage our students to take up vocational courses. Or Agriculture and IT. Mga kursong ito ang kailangan for our global competitiveness.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleYou’re The Man Comm. Biazon
Next articleOkay Lang Maging “Duwag”!

No posts to display