SA IBANG BANSA, tulad halimbawa ng Amerika, kapag ang isang beteranong pulis ay nang-abuso at kailangang disiplinahin ng kanyang opisyal, ang madalas na parusang ipinapataw sa mga tulad niya ay ang pagtatapon sa kanya sa traffic para maniket na lang ng mga motorista. Labis na kinamumuhian ng mga Amerikanong pulis ang parusang ito.
Pero rito sa Pilipinas, ang pagkakaroon ng paniket ng isang pulis para makapanghuli ng mga motorista ay hindi parusa bagkus ito ay itinuturing na isang pabuya na labis niyang ikasisiya.
Katunayan, maging ang ilang mga pulis na may matataas ng ranggo – tulad ng mga precinct commander ay nagkakandarapang maging mga deputized traffic enforcer para lamang magkaroon ng paniket. Itatanong ninyo kung bakit? Simple lang ang sagot – kotong!
Hindi ko na mabilang ang dami ng sumbong na natanggap ng WANTED SA RADYO (WSR) mula sa mga motorista, kadalasan ay mga taxi driver o driver ng mga single na motor, na minamanmanan ng mga pulis na magkaroon ng violation para hulihin. Kapag hindi nakaramdam ang mga nahuling motorista at hiniling nila sa mga humuhuling pulis na tiketan na sila para ‘di na maabala, uutusan silang sumunod sa presinto.
Kapag sumunod sa presinto ang isang motorista, ipapasa siya sa hepe ng pulis na humuli sa kanya at si hepe naman ay tatakutin siyang titiketan ng patung-patong na violation hanggang sa abutin ng nerbiyos ang motorista at papayag na lang itong sumuka ng pera.
Bagamat hindi naman lahat ng mga pulis ay kaha-lintulad sa aking nabanggit, pero marami-rami rin sa kanila ang naghahanap ng mga traffic violator sa halip na maghanap ng mga kriminal para kumita ng tong.
HINDI LAHAT NG taxi driver ay mga abusado at luku-luko tulad sa iniisip ng ilang mga commuter. Isa sa mga bukod tanging taxi driver na nais papurihan ng inyong SHOOTING RANGE at WSR ay si Isidro Lozano ng Jangeru Taxi.
Noong June 6, pumunta sa WSR sa Radyo5 si Isidro para i-surrender ang iPhone 4 na naiwan ng isang pasahero. Hiniling ni Isidro sa WSR na ipanawagan sa kung sinuman ang may-ari ng nasabing cellphone para ito ay maisoli na sa kanya.
Nang matunton ng isa sa mga staff ng WSR ang may-ari ng cellphone sa pamamagitan ng CP number na naka-register sa SIM card nito, agad namin siyang kinontak. At noong June 10, nang pumunta sa studio ng Radyo5 ang nurse na may-ari ng cellphone na si Dina Marasigan para kunin na ang kanyang cp, nagkaharap sila ni Isidro.
Sa sobrang tuwa ni Dina, inabutan niya ng P10,000 si Isidro bilang pabuya. At sa maniwala kayo sa hindi, tinanggihan ito ni Isidro. Hindi pera-pera ang lahat kay Isidro. Katunayan, bago siya pumunta ng WSR, may mga gustong bilihin ang nasabing cellphone ngunit hindi siya nagpadala sa tukso.
Nang malaman ng ama ni Dina, na isang listener ng WSR at appliance store owner, ang tungkol sa kabutihang loob ni Isidro, binigyan niya ito ng LCD flat screen TV na nagkakahalaga ng P15,000. Hindi na nakatanggi si Isidro.
Ang WSR ay napapakinggan sa 92.3 FM, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Kasabay na napapanood ito sa Aksyon TV sa Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo