TILA TAPOS na ang maliligayang araw ni Janet Lim-Napoles dahil sa desisyong ibinaba ng korte, kung saan ay hinatulan siya ng habang buhay na pagkakakulong mula sa kasong serious illegal detention na isinampa ng dati niyang kanang kamay na si Benhur Luy. Ngunit hindi naman ito ang tunay na boxing, dahil ang issue ay nasa kontrobersyal na pork barrel scam na siya ring itinuturong dahilan kung bakit nagawang iligal na ipiit ni Napoles si Luy.
Ang mas malalang kasalanan ni Napoles sa batas, kung mapatutunayan ang mga akusasyon sa kanya, ay ang pagiging pork barrel queen niya na ginamit ng mga mambabatas diumano para sila ay makapagnakaw sa kaban ng bayan. Mahalaga ang testimonya ni Napoles dahil siya ang may personal na kaalaman sa maanomalyang pork barrel scam. Ang tanong ngayon ay kung magsasalita pa ba siya tungkol sa kanyang mga nalalaman sa kabila ng hatol sa kanya na habang buhay na pagkakakulong?
Matatandaan na sinabi ni Department of Justice (DOJ) Secretary Leila De Lima na marami pang mga mambabatas na kasangkot sa pork barrel scam na kasama ng kasalukuyang Pangulo sa Liberal Party at kaalyado nito sa gobyerno. Paano na ang mga testimonya ni Napoles hinggil dito? Sa tingin ko ay nagamit na dati ang ganitong estilo ng pagtatago sa katotohanan ng mga taong nasa kapangyarihan dahil tila ganito ang kinahinatnan ng kasong pagpatay kay Ninoy Aquino na magpahanggang ngayon ay hindi pa natutukoy ang ulo at nag-utos ng pagpatay.
ANG MGA nagsagawa ng pagpaplano ng pagpatay sa bayaning si Ninoy Aquino ay nagsitanda na at nagsimatay ang marami sa kulungan. Walang napiga sa mga sundalong nakulong kung sino ang master mind at nag-utos sa pagpatay kay Ninoy. Sa isang banda ay maaari nating maunawaan kung bakit sarado ang bibig ng mga ito magpahanggang ngayon. Ang tanong kasi rito ay ano pa ba ang mahihita ng mga ito mula sa pamahalaan sa pagsasabi ng kanilang mga nalalaman? Baka kasi mas mabuti para sa kanila at kanilang pamilya ang manatiling tahimik na lamang.
Si Napoles, katulad ng mga sundalong nakulong sa pagpatay kay Ninoy, wala nang mas makabubuti para sa kanya kung hindi manatili na lamang na tahimik. Ang pananahimik niya ay maaaring magligtas sa tiyak na kapahamakan sa mga taong mahal niya at mga kapamilya. Marami ang naniniwalang may banta sa buhay ng mga pamilya ng mga nakulong na sundalo kung hindi sila mananahimik. Dahil sa nakakulong na rin lamang sila, mas maigi na isipin na lang nila ang kinabukasan at kapakanan ng mga mahal nila sa buhay.
“Damage control” ‘ika nga. Sa parte ni Napoles ay dahil nakakulong na siya at habang buhay pa ang kanyang bubunuin ay mas makabubuti na manahimik na siya dahil may pamilya pa siya na maaaring mapahamak kung ilalabas pa niya ang mga bagong pangalan na kasama niya sa pork barrek scam, lalo’t mga kaalyado pa ang mga ito ni PNoy na nasa kapangyarihan ngayon. Kaya naman masasabi natin na tila plantsado ang mga plano nila na patahimikin si Napoles at idiin lamang ang mga isinangkot na mambabatas na kritiko ng pamahalaang Aquino. Kaya naman… tapos na ang boxing!
ISIPIN NATIN na napakabilis ng pagbababa ng hatol sa kasong serious illegal detention laban kay Napoles. Tila minadali ito para matapos na ang kaso. Malaking bagay na makulong agad si Napoles sa kasong ito para hindi na siya magkaroon pa ng pagkakataong magsalita at maglahad ng mga pangalang hindi pa nailalabas at mga kuwentong magdidiin sa mga pinaghihinalaang mambabatas na kaalyado ng Panguulo. Sa round na ito ay bagsak na si Napoles sa laban at limitado na ang kanyang mga pagpipilian.
Maaaring sabihin sa kanya ng mga abogado ng mga mambabatas na kaalyado ng Pangulo na wala na siyang “choice” kundi ang manahimik dahil bukod sa nakakulong na siya nang pang-habang buhay ay maaari ring balikan ang kanyang pamilya kung sakaling magsasalita pa siya at magdadawit ng mga maimpluwensya at makapangyarihan ngayon sa pamahalaan. Dito bagsak na naman si Napoles sa laban.
Kung ikukunsidera natin ang pagkakakulong na ito ni Napoles at ang mga maaaring pagbabanta sa buhay ng kanyang pamilya, may puntos talaga ang piliin na lang niyang manahimik. Ngunit sa kabilang banda naman ay ang pananahimik ni Napoles ukol dito ay lalong nagpapatibay sa paniniwala natin na manipulado at planado ang pagkakakulong at pagkaka-convict kay Napoles ng korte.
SA PAGTATAPOS ng boxing na ito ay hindi si Napoles ang natalo kundi tayong mga mamamayan ng sambayanang Pilipino. Ang mga buwis na pinaghirapan nating ibayad sa pamahalaan ay ninakaw lamang at ang mga nagnakaw ay nananatiling malaya magpasa-hanggang ngayon. Sila ay tiyak na muling magnanakaw dahil nakaligtas sila sa labang ito.
Hindi lamang si Napoles ang habang buhay na nakakulong kundi pati ang katotohanan na maraming mga mambabatas na kaalyado ni Pangulong Noynoy Aquino ang kasama sa krimen na ito at hindi man lang sila napanagot dito dahil
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo