TAUN-TAON AY tumataas ang porsyento ng mga basura sa ating bansa, alam natin na lagi talagang may basura, na parang hindi ito talaga maiiwasan. Gayunpaman, hindi man maiwasan, kaya ng bawat isa sa atin na bawasan ang porsyento ng mga basura sa ating bansa.
Ang basura ay nakadudulot ng polusyon sa ating kalikasan, pero kaya natin ‘yang labanan sa pamamagitan ng pag-reduce o pagbawas o pagtipid sa gamit upang hindi dumagdag sa mga basura, reuse o paggamit muli sa isang bagay, at recycle o paggawa ng isang gamit mula sa isang gamit.
Anu-ano ba ang puwede nating i-reduce? Maraming bagay ang puwedeng mai-reduce kagaya ng mga battery. Imbis na bumili ng bago ay maaari natin ito muling i-charge gamit ang charger ng mga battery at sa isa pang paraan, dahil ang battery ay iniipon ng iba at kumukuha rito ng led supply/material. Kapag may piknik ang pamilya natin at magkakainan na, imbes na bumili tayo ng plastic na kutsara o tinidor, maaari tayong magdala na lamang ng ating sariling mga kutsara o tinidor para makabawas tayo sa mga basura. Kapag naman ang inyong nanay o tatay ay mamamalengke, imbis na gumamit ng plastic para sa ating mga bibilhin ay magdala na lamang tayo ng eco bag o mga bayong upang mabawasan ang plastic sa basurahan. Ito ang mga ilan sa mga bagay na puwedeng mai-reduce upang makatulong tayo sa pagbawas ng basura at sa polusyon.
Anu-ano ang mga bagay na puwede nating i-reuse? Maraming bagay ang maaaring i-reuse, ilan dito ay ang mga pinaglumaang damit, bote ng mga tubig, lata ng ice cream, at mga scratch paper. Kung mayroon tayong mga damit na pinaglumaan o pinagliitan natin, imbis na itapon siya ay maaari natin siyang muling magamit sa ibang paraan kagaya ng paggamit nito ng parang basahan. Ang mga bote ng tubig o softdrinks, imbis na itapon na lang siya ay maaari natin itong muling magamit na isang alkansya at maaaring ipunin ang mga boteng ito at ibenta sa mga bumibili ng bote, dyaryo, at iba pa. ‘Ika nga nila, may pera sa basura. Ang lata naman ng ice cream ay maaaring gamitin na lalagyan ng mga bagay-bagay o accessories. Ang mga papel na nagamit na ay maaaring magamit o pagsulatang muli sa ibang bahagi. Ito ang mga ilan sa mga bagay na puwede nating i-reuse.
Anu-ano naman ang mga bagay na puwede nating i-recycle? Ang mga scratch paper ay maaari nating mai-recycle din, at ang mga plastic, gamit na mantika at styrofoam ay maaari silang mai-recycle. Ang mga scratch paper ay maaaring mai-recycle sa paraan na paggawa ng mga bulaklak o anupang mga origami rito. Ang mga plastic at gamit na mantika at styrofoam naman ay mga bagay na ginagamit din sa Marikina, nire-recycle nila ang mga ito, nangongolekta sila kada buwan sa bawat barangay nila at ginagawa itong mga blocks o bricks, ang galing, ‘di ba?
Maraming mga bagay ang maaari nating ma-reduce, ma-reuse, at ma-recycle. Kaya tara at gawin natin ang ilan dito at mga iba pang mga maaaring magawa sa mga ibang bagay upang matulungan natin ang ating bansa sa pagbawas ng pagtaas ng porsyenyo ng mga basura at mailigtas din natin ang ating kalikasan para sa atin at sa mga susunod pang henerasyon.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo