KAMAKAILAN LAMANG, kabi-kabilaang Hollywood films ang ipinalabas sa mga sinehan sa ating bansa. Halos naubos na nga ang inyong mga pera sa bulsa mapanood lang ang lahat ng ito!
Nariyan ang The Fault in Our Stars, isang kuwento ng pag-ibig na nagpaiyak sa mga tao lalo na ang mga bagets. Nariyan din ang 22 Jumpstreet na kuwento ng kalokohan ng dalawang matalik na magkaibigan. Ito naman ang pelikulang nagpatawa nang husto sa inyo. Nariyan din naman ang pelikulang How To Train Your Dragon 2 na patok na patok sa mga bata at feeling bata. Ito rin ay lakas maka-throwback ng memories dahil halos ilang taon na rin ang nakalipas nang ating napanood ang How To Train Your Dragon 1. Nariyan din ang Transformers na pinakaabangan talaga ng marami dahil sa nakapananabik na fighting scenes nito. Malamang sa malamang, higit sa isa pa ang napanood n’yo sa mga pelikulang aking nabanggit, baka nga lahat pa.
Ngayon namang malapit na ang buwan ng Agosto, bakit hindi sariling atin naman ang ating suportahan? Ang tinutukoy ko ay ang pagdaraos ngayong taon ng Cinemalaya.
Ang Cinemalaya Philippine Independent Film Festival ay isang patimpalak ng mga pelikula kung saan nagtatagisan ng galing, husay at pagiging malikhain sa paggawa ng istorya at pelikuha ang mga lumalahok dito. Ito ay matatawag talagang sariling atin dahil taun-taon itong ginaganap sa Pilipinas lamang tuwing buwan ng Hulyo. Pero sa taon ngayon, mula Agusto 1 hanggang Agusto 10 ito mangyayari. Ito ay idinaraos sa Cultural Center of the Philippines.
Inoorganisa ng Cinemalaya Foundation ang nasabing film festival. Ito rin ay sinusuportahan ng Cultural Center of the Philippines at Econolink Investments, Inc. Ang layunin ng Cinemalaya Film Festival ay mapalakas ang kulturang Pinoy at maipamalas ang kagalingan ng mga new breed filmmakers sa paggawa ng pelikula. Ninanais din nila na maraming Pilipino ang tumangkilik sa sining na likha ng ating kapwa.
At makalipas ang ilang araw, pinal nang inanunsyo ng Cinemalaya Foundation ang mga kalahok sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival ngayong taon sa dalawang kategorya: ang New Breed Full Length Feature Category at Director’s Showcase.
Narito ang mga kasali para sa New Breed Full Length Feature Category: #Y ni Gino Santos; 1st ko si 3rd; Bwaya by Francis X.E. Pasion; Dagitab (Sparks) by Gian Lauro C. Abrahan V; Dayang Asu by Bor Ocampo; K’ na, The Dreamweaver by Ida Anita Del Mundo; Mariquina by Milo Sogueco; Ronda by Nick Olanka; Separados by GB Sampedro; at Sundalong Kanin by Denise O’Hara at Janice O’Hara.
Para naman sa Director’s Showcase, narito ang mga kalahok: Asintado by Louie Ignacio; Hari ng Tondo by Carlos Siguion-Reyna at Bibeth Orteza; Hustisya by Joel Lamangan; The Janitor by Michael Tuviera; at Kasal by Joselito Altarejos.
May iba’t ibang tema at genre ang bawat pelikula. Panigurado na kakaiba ito mula sa mga lagi nating napanonood. Kaya ano pa ang hinihintay n’yo? Tangkilikin ang sariling atin. Tara na, atin nang suportahan ang Cinemalaya Philippine Independent Film Festival.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo