HANGA AKO KAY Senator Ping Lacson. Noong Martes inimbitahan si DOJ Secretary Leila De Lima sa Senado para sa isang pagdinig. Marami ang umaasa na gagamitin ng senador ang pagkakataon para birahin ang kalihim bilang ganti sa mga maaanghang na pahayag nito laban sa kanya noong siya ay nagtatago pa at pagbibigay ng VIP treatment kay Col. Cesar Mancao ng DOJ na tumatayong testigo laban kay Lacson sa Dacer-Corbito double murder case.
Pero inunahan na kaagad ni Lacson ang mga naroroon sa nasabing pagdinig. At pati ang media ay binalaan na rin niya na wala silang maaasahang “fireworks” o away sa araw na iyon.
At totoo nga sa kanyang salita, nang maganap na ang hearing, hindi sinamantala ni Lacson ang oportunidad para balikan at hambalusin si De Lima. Mas lalo pa akong napahanga, bago mag-umpisa ang hearing, nang lumapit si De Lima sa noo’y nakaupo na si Lacson para batiin ito. Mabilis na tumayo sa kanyang kinauupuan si Lacson para kamayan si De Lima.
Ang pagtayo ng isang lalaki sa isang babae kapag siya’y nilapitan o ipinakilala rito ay tatak ng isang maginoo. Maging ang Big Man ng Senado na si Sen. Franklin Drilon ay napatayo rin sa kanyang upuan nang lapitan ni De Lima at kamayan. Si Drilon ay isa ring tunay na maginoo.
MALIBAN SIGURO SA isang kindergarten, walang maniniwalang Pilipino na bubunutan ng baril ng isang hamak na security guard ang isang congressman – na sumisimbulo ng kapangyarihan at impluwensiya. Lalo pa kung ito ay sa harap mismo ng kanyang sangkatutak na armadong mga bodyguard.
Maliban na lang din siguro sa isang paslit na nasa nursery, walang maniniwalang Pilipino na mumurahin ng isang small time na sekyu ang isang big time na congressman na nagmamaneho ng magarbong sports car nang walang kaabug-abog.
Pero nakakasiguro ako na maging ang isang mangmang ay maniniwala na hindi mangangahas na gagawa-gawa ng istorya ang isang pobreng sekyu laban sa isang makapangyarihang kongresista para lamang harasin ito.
Sa mga lumabas na balita, inaakusahan ng security guard na si Ricardo Bonayog si Lanao del Sur Congressman Mohammed Hussein Pangandaman nang pambubugbog umano sa kanya. Mariing itinanggi ni Pangandaman ang akusasyon ni Bonayog.
Sa kanyang mga pahayag sa media, sinabi ni Pangandaman na hindi niya binugbog si Bonayog at nahampas lang daw niya ito ng mga papeles matapos daw siyang bastusin at akmang bubunutan nito ng baril.
Nang mga oras na mangyari ang insidente, lulan si Pangandaman ng kanyang Porsche habang papasok ng UP Ayala Technohub sa Quezon City. Kasama rin noon ni Pangandaman ang kanyang mga bodyguards na lulan naman ng isang SUV.
Hindi umano nagustuhan ni Pangandaman ang pagsasagawa ng security check ni Bonayog sa kanyang grupo habang pumapasok sila ng UP Ayala Technohub.
Ang inyong SHOOTING RANGE ay mapapanood Lunes hanggang Biyernes, 11:30-12:15 pm sa Balitaang Tapat sa TV5. Mapapakinggan din sa programang WANTED SA RADYO sa 92.3 FM, Radyo5, tuwing 2:00-4:00 pm, weekdays. Mapapanood pa rin tuwing 5:30-6:00 pm sa programang T3 sa TV5, Lunes hanggang Biyernes. At sa WANTED naman tuwing Lunes, 11:30 pm sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo