KAMAKAILAN LANG ay nakapanayam ng aking utol na si Erwin si Professor Benjamin Diokno ng School of Economics sa University of the Philippines. Napag-usapan sa nasabing panayam ang antas ng kawalan ng trabaho rito sa ating bansa. Ngunit ang hindi ko makalilimutan ay nang muntik na akong malaglag sa pagkakaupo nang marinig ang sagot niya hinggil sa tanong na kung maaari bang ituring na trabaho ang pagnananakaw, panghoholdap at iba pang mga krimen. Sinabi ni Diokno na maaari itong ituring na trabaho kung sa pagtingin ng mga kriminal ay trabaho ang kanilang ginagawa.
Lumalabas ngayon na ang moralidad at paglabag sa batas ay hindi alinlangan sa kung ano ang maituturing na trabaho basta’t kumikita ng pera at sa paningin ng gumagawa ay trabaho ang pinagkukunan nito ng kita. Ito ay ayon na mismo sa isang eksperto sa ekonomiya.
Kailan din lang ay lumabas ang isang pag-aaral na tinatawag na “Oxfam’s Good Enough To Eat Index”. Sa pag-aaral na ito ipinakita na marami pa ring mga kababayan natin ang nagugutom. Sinabayan pa ito ng paglalabas ng Social Weather Station (SWS) ng resulta ng kanilang survey hinggil sa pagtaas ng may 21.7% ng mga walang trabaho sa ating bansa. Pinatutunayan lamang nito na ang kahirapan sa Pilipinas ay nasasalamin sa tatlong mukha. Ito ang kriminalidad, kawalan ng trabaho at kagutuman.
TODO-TANGGI SI Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio Coloma Jr. sa inilabas ng SWS na datos hinggil sa mga walang trabaho sa ating bansa ngayon. Palibhasa ay malilintikan siya sa bossing niyang si PNoy kung hindi niya madepensahan ang bumabagsak na ekonomiya sa administrasyong Aquino. Sa taya ng mga ekonomista, hindi magiging maganda ang pagpasok ng taong 2014 para sa ekonomiya ng Pilipinas.
Sa datos na pagtaas ng porsiyento ng mga walang trabaho na umabot sa 12.2 million nitong nakaraang taong 2013, mas mataas ito ng 21.7% kumpara sa 9.6 million na datos at resulta ng pag-aaral ng SWS noong September 2013. Mukhang hindi tumutugma ang mga pangako at pag-uulat ng Pangulo sa kasalukuyang kalagayan ng ating ekonomiya. May nalalabing dalawang taon na lamang si PNoy sa kanyang termino, ngunit hanggang ngayon, wala pa ring liwanag na nakikita sa kanyang “tuwid na daan”.
Kahit ilang beses pang itanggi ni Coloma na hindi sapat ang basehan ng SWS sa kanilang datos ay ramdam ng bawat Pilipino ang hirap ng paghahanap ng trabaho. Ang tunay na hamon ay hindi kung gaano karaming trabaho ang inaalok sa mga taong naghahanap ng pagkakakitaan, kundi kung natatanggap ba ang mga ito sa trabahong kanilang inaaplayan.
Ang mas nakalulungkot, ayon pa rin kay Diokno, marami sa mga walang hanapbuhay ngayon ay nasa edad 18 hanggang 25. Malaking dagok ito sa kanilang panghabang-buhay na kakayanang kumita ng pera at mapaunlad ang sarili. Mas bibigat pa ang buhay ng mga taong ito dahil magpapamilya pa ang mga ito sa lalong madaling panahon at magkakaanak.
WALA NA nga yatang mas lulupit pa kung dahil sa hindi paghingi ng tawad ni PNoy sa bansang Hong Kong ay ipataw na nito ang susunod na parusa sa Pilipinas. Maaaring ito ay ang pagpapauwi sa ating mga manggagawang OFW. Magiging dobleng dagok pa ito dahil bukod sa napakaraming mga OFW ang mawawalan ng trabaho sa Hong Kong, mababawasan nang malaki ang pumapasok na dolyar sa bansa dahil sa mga remittances ng mga magagawang Pilipino mula sa Hong Kong.
Alam nating lahat na ang remittances ng mga OFW ang siyang patuloy na bumubuhay sa ating naghihingalong ekonomiya. Kung mangyayari ito ay lalong mauubos ang buhok ni Pangulong Aquino dahil sa kanyang mga problema.
Sablay na sablay kasi ang mga pangakong binitiwan ni PNoy sa kanyang SONA noong nakaraang 2013. Ang sinasabi niyang sapat na supply ng bigas at posibleng pag-export pa nito ay nauwi lang sa mga kaso at isyu ng smuggling. Ang sinasabi niyang wala nang magugutom ay tila sa panaginip pa rin nangyayari.
Malinaw sa pag-aaral ng “Oxfam’s Good Enough To Eat Index” na ang Pilipinas ay may pasang-awa at mababang grado. Nakakuha tayo ng gradong 25 points kumpara sa pinakamataas na 6 points para sa bansang Netherlands at 8 points naman sa mga bansang France at Switzerland. Ang nasa kulelat naman ay ang bansang Chad na may 50 points, Ethiopia at Angola na may 49 points, Madagascar na may 48 points at Yemen na may 47 points. Ayon sa pag-aaral na ito ay mas maigi ang buhay at walang nagugutom kung mas mababa ang puntos na nakuha.
Talaga bang “tuwid ang daan” kung nahihilo sa gutom ang mga daraan dito? Baka nga sa susunod na taon ay humanay na tayo sa mga bansang nasa Timog Silangang Africa kung saan marami ang namamatay na lang sa lansangan dahil sa pagkagutom.
ITO NA rin marahil ang dahilan kung bakit marami sa mga Pilipino ngayon ang itinuturing na trabaho ang paggawa ng krimen. Araw-araw, sa tala ng Philippine National Police ay may pinapatay at marami rito ay mga pinatrabaho lamang sa mga riding-in-tandem killers. Ang mga pagnanakaw sa mall at mga bahay kung saan pinapatay rin ang mga nakatira rito ay tila alternatibong trabaho na rin. Ang patuloy na pagdami ng mga nagbebenta ng katawan sa mga langsangan ng Quezon City, Manila at Pasay ay sumasalamin sa kawalan ng matinong hanap-buhay.
Ang mga tanong ngayon ay nasaan na ang “Matuwid na Daan?” Nasaan ang mabuting daan na tinutukoy ng ating pamahalaan?
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Napanonood din ang inyong lingkod sa programang T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm. At sa Aksyon Weekend news sa TV5 pa rin tuwing Sabado, 5:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo