ANG PAG-UNLAD ng bansa ay pangunahing nakasalalay sa uri at takbo ng politika rito. Ang uri ng politika naman ang nagtatakda ng porma at kalikasan ng pamahalaan. Sa isang simpleng syllogism, kung bulok ang uri ng politika ay bulok din ang pamahalaan.
Palibhasa ay mulat tayo sa ganitong uri ng pagpapatakbo ng estado, kung saan ang ipinapasang batas ay yaong malakas ang pakinabang sa mga mambabatas mismo bago pa sa kapakanan ng mga tao. Ito ang unang mukha ng politikang Pinoy.
Sa Kongreso ngayon ay hirap na hirap makausad ang kasalukuyang bersyon ng tinatawag na “anti-political dynasty bill”. Dito kasi ay ipinagbabawal ng batas ang pagtakbo ng dalawa o humigit pang miyembro ng isang pamilya sa parehong eleksyon.
Halimbawa ay ang pamilyang Binay kung saan mayroong 4 na miyembro ng kanilang pamilya na may hawak ng tinatawag na “elected position”. Sina Vice President Jejomar Binay, Senator Nancy Binay, Representative Abigail Binay at Makati Mayor Junjun Binay. Sa bersyon ng batas na ito ay isa lamang sa kanilang apat ang maaaring tumakbo.
Ito ang dahilan kung bakit kailangan pang baguhin ang kasalukuyang bersyon ng panukalang batas upang maging katanggap-tanggap sa maraming miyembro ng Kongreso na ang mga asawa, anak, kapatid, tiyo,tiya at halos buong kamag-anakan ay nakaupo sa isang “elected post”.
Aabot sa humigit-kumulang na 150 mambabatas ang apektado sa panukalang batas na ito. Ang ibig sabihin ay lagpas sa kalahati ng kabuuang bilang ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ay tiyak na hindi susuporta sa bill na ito.
Kahit pa ipag-uutos ng Article II Section 26 ng 1987 Constitution ang paggawa ng isang batas na susupil sa mga political dynasties, karamihan sa mga nakaupo sa politika natin sa bansa ay magkakamag-anak at mag-anak mismo!
Sa kasawiang palad, wala tayong magagawa kundi lunukin at tanggapin na lang na ang mga namumuno sa atin ay sumasalamin sa isang anyo ng political dynasty. Ito ay isang masamang anyo ng politika na pinagmumulan ng korapsyon at pang-aabuso sa posisyon.
Ang mabagal na pag-usad ng pag-apruba sa panukalang batas na ito ay nagpapatunay lamang kung gaano kabulok ang karamihaan sa ating mga politiko.
ANG PANGALAWANG mukha ng politikang Pinoy ay makikita sa maagang pamumulitika at paghahanda sa eleksyon. Sabi nga ng marami, ang mga politiko raw ay gumagawa ng mabuti hindi para makapaglingkod sa tao, kundi para muling manalo sa mga darating pang eleksyon.
Kaya ang Palasyo, kamakailan lang, ay tahasang nagpasaring sa maagang pagpapahayag ng ilang mga politiko sa pagtakbo sa pagkapangulo sa darating na 2016 Presidential Elections.
Ngayong may mga nagpaparamdam na at naghahanda sa darating na eleksyon, ano ba ang mahihita ng mga tao sa ganitong mukha ng politika? Hindi ba nagpapakita lamang ito na mas mahalaga pa ang mga pansariling ambisyon ng mga ito kaysa sa mga tungkuling dapat nilang gampanan dahil sila ay kasalukuyang mga lingkod bayan pa rin? Dapat ay magdalawang-isip tayo kung iboboto natin ang mga ganitong uri ng politiko na mas nangingibabaw ang kanilang sariling motibo at hindi para sa mga mamamayan!
Ang Pangulo ay may nalalabing 848 na araw na lamang upang maglikod sa taong bayan. Sana ay pangunahan ng Pangulo ang paggugol ng mga natitirang panahong ito upang matupad ang mga pangakong pinagsigawan nila noong nakaraang eleksyon.
ANG HULING mukha ng politikang Pinoy ay ang pag-aaklas at pagbubuo ng mga bagong partido. Nagtatayo ang isang politiko ng bagong partido upang ang lahat ng adhikain ng bagong tatag na partido ay umayon sa kagustuhan at motibo ng politiko.
Dito pa lang ay makikita na ang hindi pagiging base sa matuwid na prinsipyo ang kaluluwa ng mga partido sa atin, kundi umaangkop lamang ito sa pangarap at ambisyon ng mga nagtatatag nito.
Ang ginawang pagkalas ni VP Binay sa Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) at pagtatatag ng sarili nitong partido ay hindi na bago sa kasaysayan ng politika sa ating bansa. Ganito rin ang ginawa noon nina dating Pangulong Fidel Ramos, Gloria Macapagal-Arroyo at marami pang politikong sumubok tumakbo bilang pangulo ng bansa. Ang problema sa mukha ng politikang ito sa ating lipunan ay ang kawalang integridad nito at dedikasyon sa tunay na layunin ng isang lingkod bayan.
Habang naghahati-hati ang mga partido ay naghahati-hati rin ang tunay na kapakanang dapat pinaglalaban ng isang partido at politiko para sa taong bayan. Ang kapakanan dapat lagi ng taong bayan ang sentro ng isang partido at hindi ang pansariling ambisyon.
Kaya nakaiinggit ang two-party system sa Amerika ay dahil ang kapakanan lagi ng mga tao ang nauuna sa partido at hindi ang mga indibidwal na politikong nag-aambisyong tumakbo bilang pangulo ng bansa.
Hindi ako naniniwala na ang prinsipyong demokratiko at kalayang makapili ng mga tao sa iba’t ibang partidong politikal ang namamayani sa sistemang multi-party rito sa Pilipinas. Ginagamit lang nila itong dahilan at kinakasangkapan para maitago ang makasarili nilang mga motibo.
Hangga’t ang sistemang politikal natin ay binabalot ng tatlong anyong ito ay hindi tayo lalago bilang isang lipunan. Patuloy tayong maghihirap bilang isang bansa at bukas lagi sa mga mapang-abusong lider at kurakot na politiko.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at sa Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Napanonood din ang inyong lingkod sa T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED. Maaari ring magsadya sa aming action center sa Quedsa Plaza Building na matatagpuan sa kanto ng Edsa at Quezon Avenue, Quezon City, Unit 3-B.
Shooting Range
Raffy Tulfo