Tax Amnesty

Dear Atty. Acosta,

NABASA KO sa diyaryo ang pagbibigay ng amnesty ng isang siyudad at iba pang city government tungkol sa Real Estate Tax. Pumunta po ako sa aming City Assessor’s Office dahil taga-rito po ako at tinanong ko kung nagbigay rin sila ng amnesty na tulad ng ibang city government. Ang sabi ng napagtanungan ko ay hindi raw sila nagbibigay ng amnesty. Isa po ako sa hindi nakababayad ng nasabing tax na umabot na ng fourteen years dahil sa kawalan ng pambayad. May nabalitaan po ako na ang ating pamahalaan ay naglabas ng batas tungkol sa real estate tax delinquents na gaano man kahabang taon ng ‘di pagbabayad ay pababayaran lamang ang last five years. Nais ko po sanang itanong at malaman sa inyo kung ito po ay totoo para po maka-avail ako nito.

Danilo

 

Dear Danilo,

ANG KAPANGYARIHANG magpataw at mani-ngil ng Real Property Tax o amilyar ay ipinagkaloob ng batas sa bawat lokal na pamahalaan sa bansa. Ito ay sang-ayon sa Section 128 ng Republic Act 7160 o ang Local Government Code of 1991. Kaakibat ng kapangyarihang ito ang magkaloob o magbigay ng tax amnesty sa mga taong hindi nagbabayad ng nasabing buwis. Ito ay naisasakatuparan sa pamamagitan ng isang ordinansa na nanghihikayat na magbayad ang mga nasabing tao. Ang amnestiyang ito ay maaaring sa anyo ng pagtatanggal ng mga interes o dagdag na bayarin sa buwis o ang pagbabawas o pagbibigay ng diskwento sa itinakdang buwis. Subalit ang amnestiyang ito ay umiiral lamang sa mga teritoryong saklaw ng lokal na pamahalaan na nagkaloob nito.

Patungkol naman sa iyong katanungan, ang pangongolekta ng buwis ay may hangganan. Ang buwis sa lupa o sa mga ‘di natitinag na ari-arian ay maaaring singilin at kolektahin ng lokal na pamahalaan sa loob ng limang taon mula nang ito ay ipataw. Kung ito ay lumagpas na sa nasabing panahon, ito ay hindi na maaa-ring singilin o kolektahin pa.  (Section 270 Local Government Code of 1991)

Kung kaya, ang mga amilyar na hindi mo nabayaran sa loob ng labing apat na taon ay hindi na makokolekta sa iyo nang buo. Tanging ang mga buwis lamang sa loob ng nakalipas na limang taon ang maaaring singilin sa iyo at hindi ang kabuuan ng labing apat na taon. Kung ikaw ay pagbabayarin ng buo ng lokal na pamahalaan, maaari mo itong iprotesta at banggitin sa kanila ang nasabing probisyon ng batas.

Makabubuting magbayad po kayo ng amil-yar para ‘di po makabilang sa delingkwente ang inyong lupa at hindi ma-public auction sale kapag mapapasa-estado ang pagmamay-ari ng inyong lupa at puwedeng mapunta sa iba pagkatapos ma- levy, at mabenta ng gobyerno ito sa pamamagitan ng public auction.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleNingas ng Parol
Next articleJamie Lim, Sunud-Sunod ang Kampeonato sa Karate!

No posts to display