Dear Atty. Acosta,
MAYROON AKONG KAIBIGAN na nagtatrabaho sa isang kumpanya. Inalok siya at ang kanyang mga kasama ng separation pay kung sila ay magbibitiw sa kanilang tungkulin. Maaari po bang bawasan ang kanilang separation pay para sa buwis? Ang sabi raw kasi ng kanilang kumpanya ay legal daw ang pagbabawas para sa buwis, ngunit masyadong malaki ang binawas sa kanila at hindi naman sila binigyan ng paliwanag ukol dito. Gusto ko sanang matulungan ang aking kaibigan. Ano po ba ang maaari niyang ipakita upang hindi siya kaltasan para sa buwis?
Mr. RICHARD
Dear Mr. RICHARD,
ANG BAWAT PILIPINO ay nagbibigay ng kontribusyon sa ating lipunan sa pamamagitan ng pagbabayad ng buwis. Ang buwis ay ginagamit ng ating pamahalaan upang mapaunlad ang bawat komunidad sa ating bansa at upang tugunan ang mga pangangailangan ng bawat mamamayan.
Sa kabuuan, ang bawat indibidwal na mayroong kita o income ay kinakailangang magbayad ng buwis. Ang sahod at ilang benepisyo ng isang manggagawa ay masasabing income na maaaring buwisan. Gayunpaman, may mga exceptions ang ating batas. Ang ilan sa mga kitang hindi pinapatawan ng buwis ay ang Retirement Benefits, Pensions, Gratuities, at iba pa. Ayon sa National Internal Revenue Code of the Philippines (NIRC), “The following items shall not be included in gross income and shall be exempt from taxation under this title: x x x (6) (b) Any amount received by an official or employee or by his heirs from the employer as a consequence of separation of such official or employee from the service of the employer because of death, sickness or other physical disability or for any cause beyond the control of the said official or employee.” (Section 32 B, id) Sa nabanggit na probisyon ng batas, upang hindi mapatawan ng buwis ang benepisyong gaya ng separation pay ay dapat natanggal ang manggagawa sa kanyang tungkulin sa mga nabanggit na dahilan.
Sa problemang iyong idinulog sa amin, hindi natanggal sa tungkulin ang iyong kaibigan dahil sa kanyang pagkamatay, pagkakasakit o pagkakaroon ng kapansanan. Hindi rin siya sapilitang pinagbitiw ng kanyang kumpanya. Siya ay binigyan ng pagkakataong mamili sa pagitan ng pananatili sa kanyang tungkulin o kaya naman ay magbitiw at mabigyan ng separation pay. Gaya ng iyong nabanggit, pinili niyang magbitiw. Kung kaya’t ang separation pay na kanyang tinanggap ay maaaring buwisan.
Subalit hindi ibig sabihin nito ay kahit anong halaga na lamang ang maikakaltas ng kanyang employer. Mayroong tax rates na pinagbabasehan at sinusunod ang Bureau of Internal Revenue. (Section 24 A, NIRC) Kailangang sundin ang nasabing tax rates sa pagkakaltas sa kita ng manggagawa at hindi maaaring mas malaki rito ang ikakaltas ng kanyang employer. Mas makabubuti marahil kung ipapasuri muna ng iyong kaibigan sa Bureau of Internal Revenue kung tama ang naibawas na buwis, bago niya isangguni sa kanyang employer ang tungkol dito upang siya ay higit na maliwanagan.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta