MALAKI RIN ang papel na ginagampanan ng pampublikong sasakyan na taxi o cab sa mga pasahero. Taxi ang hanap natin kung gabing-gabi na o inumaga ka na at wala nang jeep, LRT o MRT o sa madaling salita, wala nang ibang masasakyan pa. Taxi rin ang hanap natin sa tuwing marami kang dala-dala. Taxi rin ang hanap ng mga taong may kotse naman talaga, kaso coding pala. Taxi rin ang hanap sa tuwing male-late sa pagpasok sa klase, sa opisina o kaya basta kung mahuhuli ka na sa iyong lakad.
Taxi rin ang hanap kapag sobrang mainit ang panahon at ayaw n’yo makipagsapalaran sa siksikan na MRT, LRT; sa upong hindi pang 8.50 sa jeep at tayuan sa bus. Taxi rin ang hanap ng mga magulang lalo na’t matapos mag-grocery nang Linggo. Paano ba naman, marami na nga ang pinamili, bitbit pa ang mga anak na rason kung bakit naparami nga ang grocery? Taxi rin ang hanap kung ikaw ay “Mama G” o mamaganda at “Papa G” o papapogi. Ito ‘yung mga taong ayaw pagpawisan kasi sayang ang make-up o sayang ang porma. Taxi rin ang hanap sa tuwing magko-commute at may kalakasan ang ulan.
Kitang-kita nga, ang importansya ng taxi sa buhay ng mga Pilipino, ngunit may mga pagkakataon na kung kailan kailangan na kailangan mong mag-taxi, wala ka namang makita. Kung may mahanap ka man, aba, dinadaya ka pa ng mga taxi driver at nagpapadagdag pa ng singkwenta o higit pa mula sa orihinal na presyo na nakasaad sa metro.
Kaya mabuti na lang at may mga apps na naimbento upang mapadali ang pagpara o pagkuha natin ng taxi. Kung gusto mo na sa paglabas mo ng bahay, may taxi na agad ang naghihintay sa iyo, aba, i-download mo na nga ang mga apps na ito:
1. Grab Taxi
Sikat na sikat na ang Grab Taxi App ngayon sa halos lahat ng tao. App to na kinakailangan munang i-download sa inyong Android o Apple phones. Ang gagawin mo lang ay i-declare ang iyong lokasyon sa app, ang tinatanggap madalas ay landmark ng iyong lokasyon para mas madali makita ng mga taxi drivers. Makikita mo rin sa app kung may mga taxi ba na available o kung may mga taxi ba na sumagot sa iyo. Ibig sabihin siya ang iyong nai-book na taxi. Malalaman mo rin ang plate number ng taxi na iyong binook. Sa Grab Taxi, may dagdag nga lang na 70 pesos kada sakay. Pero hindi ka na rin lugi lalo na’t sa mga panahon na halos wala ka na talagang makuhang taxi dahil marami kayo na nag-aabang.
2. Uber
Ang Uber ay para ring Grab Taxi na may twist! Ganun din naman ang alituntunin sa Uber. Kailangan ding i-download ang App, i-declare ang lokasyon at hintayin na may sumagot sa iyong driver. Nasaan ang twist? Aba aba, yamanin ang Uber dahil mga mamahaling sasakyan gaya ng Porsche, Mercedez Benz, Toyota Camri ang susundo sa iyo kasama ang personal driver ng nasabing sasakyan. Ito ay mga pribadong sasakyan na pinapahiram lang ng may-ari kaya may kamahalan ito ng kaunti kaysa sa Grab Taxi at credit card ang kinakalaingan pambayad nito. Isa pang feature nito ay ang “Share the Fare” kung saan puwede kang humanap ng ka-carpool para hati kaya sa bayad, para ‘di masyadong masakit sa bulsa.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo