DAHIL NGAYON ay National Tuberculosis Awareness Month, isang magandang balita na naman ang aming hatid sa araw na ito. Tatalakayin natin ang TB-DOTS package ng PhilHealth.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay pang-labinlima sa top 22 na mga bansang may mataas na bilang ng sakit na turberkulosis at nananatiling pang-anim ang sakit na ito sa pangunahing dahilan ng morbidity o mortality sa Pilipinas na kumikitil ng 73 katao kada araw. Sa tala ng DOH, araw-araw ay may humigit-kumulang 712 ang nagkakaroon ng sakit na TB, ngunit 632 lamang ang nagpapatingin sa doktor. At mula sa bilang ng mga nagpakonsulta, 577 lang ang nakakatapos ng anim na buwang gamutan.
Ang pagpuksa sa sakit na tuberkulosis ay pang-anim sa Millenium Development Goal. Ang good news? Sa tala ng UNDP o United Nations Development Programme, nagkaroon ng pagbabago sa indicator ng sakit na tuberkulosis sa nakalipas na mga taon lalo na sa pag-detect ng mga kaso ng may sakit, gayundin ang treatment success rate na kung saan ay nakamit na natin noon pang 2004. Ngunit ang cure rate o ang bilang ng mga gumagaling ay may kababaan sa maraming kadahilanan: 1) pag-delay ng pasyente sa pagbisita muli sa doktor; 2) kakulangan ng kaalaman ukol sa karamdaman; 3) kakulangan ng perang pambili ng gamot o pamasahe papunta sa health center; 4) stigma-related factors; o 5) kakulangan ng accredited health care services sa ilang lugar.
Ano ang DOTS? Ang Directly Observed Treatment short course ay isang mabisang pamamaraan ng paggamot sa pasyente na makatitiyak ng kanyang pagtupad sa proseso ng gamutan at highly recommended din ng World Health Organization. Sa pamamagitan ng isang trained na indibidwal ng Health Center, ang pasyente ay bibigyan ng edukasyon tungkol sa sakit, sintomas, paano ito nakukuha, paano mamo-monitor, consequences kapag hindi natapos ang gamutan, at iba pa. Bibigyan din ang pasyente ng diary, kung saan nakasaad dito ang dapat na gamot na ibibigay, tuwing kailan, at follow-up visits.
Ano ang dapat nating malaman sa sakit na ito? Ang sakit na tuberkulosis ay dulot ng bacterium na tinatawag na Mycobeacterium tuberculosis na napupunta sa hangin sa pamamagitan ng pag-ubo, sneeze, pagsasalita, o pagdura ng taong may TB na maaaring malanghap ng ibang tao at siya ring paraan ng paglipat ng sakit na TB. Ang sintomas nito ay ang mga sumusunod: 1) ubo na nagtatagal nang 3 linggo o higit pa; 2) pananakit ng dibdib; 3) pag-ubo ng dugo o sputum; 4) panghihina o fatigue; 5) pagbaba ng timbang; 6) kawalan ng gana; 7) lagnat; 8) pagpapawis sa gabi; at 9) panlalamig. Tandaan din na ang karaniwang nakakukuha ng sakit na ito ay ‘yung mga may mahinang immune system lalo na ang matatanda, naninigarilyo, may HIV, diabetes, o malnutrisyon.
Sa usapang benepisyo, huwag mag-alala! Ang sakit na TB ay covered din ng PhilHealth sa halagang P4,000.00 sa loob ng anim na buwan na gamutan. Kasama rito ang diagnostic work-up, consultation service, at gamot na ibinibigay bago o matapos ang enrollment sa DOTS. Sa katunayan, nitong nakalipas na taon ay umabot sa P 62,616,525.00 ang binayaran ng PhilHealth sa 28,602 na claims para sa ganitong karamdaman. I-update lang ang premium contribution ng miyembro para maka-avail ng benepisyo mula sa PhilHealth.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang 1,560 pampubliko at 94 na pribadong accredited TB-DOTS ng PhilHealth sa buong bansa. Alamin ang mga lokasyon ng mga ito para sa pagpapakonsulta sa ganitong karamdaman.
Muling paalala, prevention is better than cure. Upang hindi magkasakit, panatalihin natin ang malusog na pangagatawan, pagkain ng masustansiyang pagkain at ehersisyo. Gayundin, magpakonsulta sa doktor at iwasan ang self-medication dahil lalo itong nagpalulubha ng karamdaman.
Hindi lamang ang kontribusyon ang isasaalang-alang ng miyembro upang matiyak ang availment ng mga benepisyo, kundi dapat ding tiyakin na ang pasilidad at ang doktor na titingin at gagamot ay accredited ng PhilHealth.
Para sa karagdagang tanong tungkol sa paksa natin ngayon, tumawag lamang sa aming Call Center sa (02) 441-7442 o magpadala ng email sa [email protected].
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas