Ted Failon, halos maiyak sa kapalpakan ng show – Cristy Fermin

TALAGANG BINANTAYAN NAMIN ang pagbibinyag ng apoy sa magaling na news anchor na si Ted Failon nu’ng nakaraang Sabado nang hapon. Maraming imbitasyon, pero talagang hinintay namin ang Failon Ngayon!, ang bagong news program ni Ted pagkalipas nang maraming taon.

Regular siya sa TV Patrol World, ganu’n din sa kanilang programa ni Korina Sanchez sa DZMM, pero ngayon lang uli siya sasalang nang solo sa telebisyon pagkatapos ng kanyang programang Hoy, Gising! noon.

Kaswal na kaswal ang dating ni Ted Failon, hindi siya tulad ng ibang news anchor na naninigas sa himpapawid, halatang-halata agad ang kumpiyansa sa kanyang pagsasalita.

[ad#post-ad-box]

At naka-scoop siya, detalyadong ipinakita sa Failon Ngayon! ang naganap na nakawan nu’ng nakaraang linggo sa tindahan ng Rolex sa Glorietta 5, habang iniinterbyu niya ang dalawang pulis na bodyguard ng isang pulitiko na nagkataong nandu’n nang maganap ang krimen.

Nakakaawa ang batang akay-akay ng kanyang mga magulang na nakulong sa loob ng tindahan, mabilis ang takbo ng utak ng babae, bigla itong lumabas hila-hila ang anak.

Detalyado ring nirebyu ng programa ang mga pintuang dinaanan ng mga unipormadong magnanakaw, may mga guwardiya, kaya ang tanong ay paano nakalusot ang mga ito hanggang sa ikalawang palapag ng mall?

Maganda ang pagsasalansan ng Failon Ngayon! sa pangyayari, parang nandu’n ka rin sa lugar ng nakawan habang ipinakikita ang mismong video na nakunan sa tindahan, sa unang sultada pa lang ng Failon Ngayon! ay sulit na sulit na ang pagod ng kapitan ng barko.

“Mahirap pong manganay, halos wala na kaming tulog nu’ng Friday nang gabi dahil sa editing. Dumating ako sa bahay, bagsak agad ako, kailangan kasing tutukang mabuti ang presentasyon,” pahayag ni Ted Failon nang batiin namin para sa isang interesanteng palabas pagkatapos ng kanyang airing.

LAHAT NG UNA ay hindi perpekto. Kundi may kulang ay meron namang sobra. Sa pinakahuling segment ng Failon Ngayon! ay may nangyaring hindi inaasahan, isa pa naman ang bahaging ‘yun sa inaabangan namin, ang panayam niya kay Arnel Pineda ng Journey at ang kanilang pagduduweto.

Pero nagkaroon ng problema sa audio, putul-putol ang kanilang pagsasalita, minsang may boses sila at mas madalas na wala. Perpekto na sana ang Failon Ngayon! kundi dahil du’n.

Ikinalungkot ni Ted ang nangyari, maiyak-iyak siya sa panghihinayang, kung kailan pa nga naman papasok na ang credits ay du’n pa humabol ang kapalpakan ng audio.

Pero talagang ganu’n, kaya nga pagbibinyag ng apoy ‘yun, dahil unang pagsahimpapawid nila. May lunas pa ang nangyari, sa susunod na episode ng Failon Ngayon! ay bigyan sana nila ng espasyo ang panayam kay Arnel Pineda na nu’ng ipalabas ay parang may nagluluto ng popcorn ang kanilang audio, palundag-lundag.

Pero sa kabuuan ay interesanteng panoorin ang pagbabalik-nang solo ni Ted Failon sa telebisyon, tulad ng madalas sabihin sa kanilang plugs, malupet ang programa.

At masarap manood ng news anchor na alam mong mulat sa kanyang mga sinasabi at ginagawa, ‘yung alam mong may kumpiyansa sa kanyang kapasidad, ‘yun si Ted Failon.

Kung kredibilidad naman ang ipagtatanong ay hindi na namin kailangan pang magsalita, publiko na ang magsasabi kung gaano nila pinagkakatiwalaan ang news anchor, ang komentaristang habang pinanonood namin ay mukhang nakabangon-nakasulong na mula sa isang masakit na nakaraan.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

Previous articleSam Milby at Anne Curtis, hindi nagkabalikan – Boy Abunda
Next articleLian Paz, tanggap na ng ina ni Paolo Contis – Lolit Solis

No posts to display