MALAKI ANG NABAWAS sa timbang ni Ted Failon. Pero mas kapansin-pansin ang humpak niyang pisngi at pangangalumata. Hindi lang ang pagpanaw ng mahal niyang asawa ang dahilan nu’n. Masyado ring naapektuhan ang magaling na news anchor sa kaliwa’t kanang harassment na nararanasan ngayon ng kanyang pamilya kaugnay sa imbestigasyon sa pagsu-suicide ni Mrs. Trina Etong.
Punumpuno ang chapel na pinaglalagakan ng mga labi ng misis ni Ted, mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang nakikiramay sa pamilya. Mas nakararami ang bilang ng mga kasamahan ng news anchor sa ABS-CBN ,pero nakikipaglaban sa paramihan ang mga pulitikong nandu’n.
“Ang dalawang anak ko, nasa stage na acceptance ngayon, pero ako, in denial pa rin. Aminado naman ako, hindi ko pa matatanggap nang ganu’n kadali ang pangyayaring ito, napakatindi, masakit na masakit,” pahayag ng news anchor sa halos pabulong naming pag-uusap ilang dipa ang layo sa kabaong ng kanyang misis.
Ayon pa kay Ted, pambato niya ngayon ang kanyang mga anak na unti-unti nang nakatatanggap sa naganap sa kanilang ina. Kung minsan nga raw, pakiramdam ni Ted ay kina Kaye at Karishma pa siya humuhugot ng lakas ng loob.
“Biglang nagbago ang ikot ng mundo ko. Pipikit lang ako sandali, pero maya-maya lang, bumabangon na agad ako. Mababaw ang tulog ko, napakahirap gumawa ng tulog.
“Iba, e. Napakasakit nu’ng namatayan ka na, nagluluksa ka na, pero may kung anu-ano pang nangyayari sa paligid mo. Napakasakit,” umiiling pang sabi ng kaibigan naming komentarista.
Napakalalim nga ng sugat na kailangang pagalingin ng pamilya ni Ted. Mahabang panahon ang kailangang gamutan sa emosyong naghahari ngayon sa kanilang puso.
Payo ng ilang kaibigan, kailangan muna nilang magbakasyon nang matagal-tagal pagkatapos ng pasiyam ni Trina, makatutulong ang pansamantalang paglayo. Dahil habang nakikita nila ang apat na sulok ng kanilang tahanan, siguradong babalik at babalik sa kanilang isip ang parang bangungot na alaala ng pagkamatay ni Trina.
Sabi ng pari na nagmimisa nu’ng gabing makipaglamay kami, “Hindi natin sasabihan si Trina ng goodbye. Ang sasabihin natin sa kanya, till we meet again.”
Sa puntong ‘yun, yumuko si Ted, kunwari’y nakayuko lang siya, pero hindi maipagkakaila ng mga umuuga niyang balikat ang impit niyang paghagulgol.
NGAYONG MIYERKULES ANG cremation ng mga labi ni Mrs. Trina Etong. Napabalitang hinaharangan ng mga pulis-QCPD ang cremation dahil mawawalan ng saysay ang kanilang imbestigasyon, pero maagap namang nagpaliwanag ang mga opisyal na hindi totoo ‘yun.
Kuwentong-kutsero lang daw ang kumalat na isyu, malaya raw ang pamilya na ituloy ang cremation na hindi lang basta sinang-ayunan ng publiko kundi sinagot ng dapat lang naman.
Hanggang ngayon, angat pa rin ang panggigigil ng ating mga kababayan sa ipinakitang pagmamalabis ng ilang miyembro ng Quezon City Police sa pagkuha sa mga kamag-anak ni Trina at sa kanilang mga kasambahay para imbitahan daw sa Camp Karingal.
Kung paanong mahabang panahon ng gamutan ang kailangan ng pamilya ni Ted Failon dahil sa pagkawala ni Trina, ganu’n din ang pahihinuging panahon ng mga taga-QCPD na nagmalabis para malimutan ng bayan ang markado nilang ginawa na napanood-nasaksihan ng publiko.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin