“MAMI-MISS KO PO ang amoy ng buhok ng mama ko.” Maigsi lang, payak na payak kung tutuusin, pero nag-iimbita ng paghagulgol ang binitiwang salita ni Kaye, panganay na anak nina Ted Failon at Trina Etong, bago ginanap ang cremation ng mga labi ng kanyang ina.
Kahit saan ka lumingon, isang kilos lang ang makikita mo, nagpapahid ng luha ang lahat ng mga nasa crematorium ng Arlington Memorial Chapels, dahil sa pakikisimpatya sa mga naulila ni Trina.
Masakit tanggapin ang pagkawala ni Trina pati na ang naging dahilan ng kanyang pamamaalam. Pero napakasakit ding isipin na hindi magiging ganu’n kadali para sa magkapatid na Kaye at Karishma ang pagkawala ng kanilang ina.
Nakababagbag ng damdamin ang isang kuwento ng kanilang kamag-anak. Palagi raw niyayakap nang mahigpit ni Kaye ang bunso niyang kapatid. Dati na silang nagmamahalan pero mas lumutang ‘yun ngayong naulila na sila sa ina.
“Ate pa lang ang sinasabi ni Karishma, umiiyak na si Kaye. Marami kasing puwedeng karugtong ‘yung salitang ate para sa kanya.
Puwedeng ate, bakit nagpakamatay si Mama? Puwede ring ate, paano na tayo ngayon?
“Du’n sa bunso kami awang-awa, napakabata pa niya para makaranas ng ganitong klase ng pagsubok,” kuwento ng aming kausap.
Palibhasa’y abala sa kanyang trabaho bilang broadcaster si Ted, kay Trina talaga lumaki nang literal ang magkapatid. Para lang silang magkakaibigan kapag magkakasama sila, magkakahawak-kamay sila kung maglakad. Kami man ay nag-iisip ngayon kung paano nga ba haharapin nina Kaye at Karishma ang buhay ngayong wala na ang kanilang ina?
ILANG SANDALI PAGKATAPOS ng cremation, tumawag sa amin si Ted Failon. Hindi na namin siya kailangang makita pa nang harap-harapan para mailarawan namin ang kanyang hitsura.
Sa kanyang boses pa lang, parang nakikinita na namin ang lugmok na hitsura ng matapang na mamamahayag. Napakalaki na nga ng nabawas sa kanyang timbang ngayon. Nangangalumata rin siya dahil sa sobrang pangungulila.
Kinagabihan, nagkausap kami uli. Katatapos lang daw niyang malaman mula sa kanyang mga abogado na ngayong hapon, meron na naman silang hearing sa piskalya ng Quezon City dahil sa kasong obstruction of justice na isinampa laban sa kanya at sa mga kasama niya sa bahay.
Buntong-hininga lang ang narinig naming reaksiyon ni Ted. Siguro’y naiisip niya, sa gitna ng kanilang pagluluksa ay heto, kailangan niya pa ring daluhan ang pagdinig sa kaso.
Pati kaunting pahinga ay ipinagdamot na sa kanila. Bagsak ang kanilang damdamin at pisikal na katawan sa pagpanaw ni Trina, pero tuloy pa rin ang pang-aabala sa kanila. Wala siyang pamimilian kundi ang magpunta sa korte para huwag sabihing nagtatago siya sa paglilitis ng asunto.
Nakaaalarma ang mga kuwentong naririnig namin tungkol sa kasong kinapapalooban ngayon ng komentarista. Paano raw kung totoong meron palang malalaking taong nagmamando sa mga mayhawak ng kaso na pahirapan si Ted?
Paano kung ‘yun ang paraan para makaresbak man lang ang mga taong napipitik ni Ted sa kanyang programa sa radyo? Puwedeng totoo ‘yun at puwede rin namang kuwentong-kutsero lang.
Pero ang tanong—paano nga kung totoo pala ‘yun?
Nakalulungkot, pero totoo. May mga pagkakataong ang biktima ang nagiging akusado.
Muli, onli in da Pilipins.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin