TULOY NA tuloy na ang paggawa ng international film ng tween star at PMPC Star Awards for TV Best New Male TV Personality/ 32nd Annual Excellence Award Most Promising Young Actor of The Year for 2012 na si Teejay Marquez at XLR8 member na si Arkin Del Rosario, para sa pelikulang Muhammad/ Abdula mula sa direksiyon ng mahusay na batang-batang director na si Emil Joson, prodyus ng isang Taiwanese/Japanese producer sa pakikipagtulungan ni Robby Taroza.
Gagampanan ni Teejay ang role na Mohammad, samantalang gagampanan naman ni Arkin ang role na Abdula, kung saan bukod sa shooting sa Pilipinas ay nagbabalak ang buong team ng nasabing pelikula na mag-shooting sa ilang lugar sa Indonesia. Balak din ng Taiwanese/Japanese producer nito na ilaban ang said film sa award-giving bodies sa iba’t ibang bansa .
Nakatakdang gumiling daw ang pelikulang ito sa June, kung saan nag-a-undergo na ng rigid workshops ngayon ang lahat ng artistang kasama sa Mohammad/ Abdula bilang
paghahanda sa shooting ng said movie.
BACK TO the Philippines ang Miss International 1979 na si Melanie Marquez para sa bago nitong pictorial para sa iniendorso niyang New Placenta Soap and Cream, kung saan ang mismong owner na si Mr. Jaime Acosta, president ng Psalmstre Enterprise, ang nag-aasikaso ng lahat ng pangangailangan ni Melanie kapag nasa set ng pictorial.
Pero hindi raw magtatagal sa bansa si Melanie dahil next month ay babalik na siya sa America at maaaring kasama na niya ang isang anak na naiwan sa Pilipinas, si Mazen, na isang autistic. May school sa America sa mga katulad ni Mazen.
Nang na-meet muli namin si Melanie, nasabi niyang isang dahilan kung bakit siya pumayat at seksing-seksi ngayon ay ang pagiging busy niya sa farm ng asawang si Adam Lawyer sa Utah, USA. May alaga si Melanie at asawang si Adam ng 500 cows at 1,500 goats.
Sa ngayon, busy rin si Melanie sa guesting sa iba’t ibang TV networks sa bansa habang nandidito pa siya, dahil kailangan daw nitong bumalik ng Amerika, dahil marami siyang mga bagay-bagay na inaasikaso sa bansa ni Uncle Sam.
NA-ELECT MULI bilang pa-ngulo ng Lakas-CMD (Lakas ng Tao-Christian Muslim Democracy) party si Senator Bong Revilla bilang paghahanda para sa nalalapit na eleksiyon on 2013. Siya rin ang hinirang na chairman ng Council of Leaders ng nasabing partido.
Ayon sa masipag at mabait na senator, hindi lang kumikilos ang LAKAS-CMD bilang oposisyon kungdi bilang kaagapay rin ng pamahalaan sa hakbang nito tungo sa socio-economic development.
Dagdag pa nito na hindi na raw kasama sa partido nila ang KAMPI, kaya inalis na ang pangalan nito sa partido. Mula sa Lakas Kampi-CMD, ibinalik na ito ulit sa Lakas-CMD.
Bukod pa sa wala pa itong pormal na anunsiyo sa kung sinu-sino ang line-up nila for senatorial slate.
Nangako rin itong bibisitahin ang kanilang mga miyembro sa buong bansa para konsultahin ang mga ito hinggil sa senatorial candidates na kanilang susuportahan sa 2013. Bukod pa sa mga ie-endorse nilang senatoriables, nangako rin si Sen. Bong na todo-suporta rin ang ibibigay ng LAKAS-CMD sa local candidates nito.
John’s Point
by John Fontanilla